NABULABOG ang mga estudyante, guro, at kawani ng Jose Abad Santos High School (JASHS) sa Maynila matapos makatanggap ng ‘bomb threat’ ang isang estudyante mula sa group chat ng mga alumni.
Batay sa imbestigasyon ng District Explosive and Canine Unit ng Manila Police District (MPD), natanggap ng estudyanteng si Glenmore Rodrigoy Dubongco ang mensahe sa kanilang “Rover Circle 14” Facebook group chat bandang alas-10:55 ng umaga.
Ayon sa ulat, nagmula ang mensahe sa Facebook account na John Ballon, umano’y isang JASHS alumnus, na nagsabing:
“May bomb threat sa Abad. Coordinate nyo sa principal kung hindi pa naiinform ang school para makaalis lahat ng mga bata sa school.”
Sinundan ito ng larawan ng bomba na ipinadala ni Jan Alijohn Hechanova at screenshot message mula sa Louise Florence Facebook account na may nakasaad na: “I planted a bomb inside Jose Abad Santos building. I am not joking. There are 5 bombs now, one hidden inside five different buildings. Timer’s set detonation in just few minutes.”
Agad na ipinaalam ni Dubongco ang mensahe kay Mr. Alex Mateo, Grade 7 teacher, na mabilis namang tumawag ng tulong sa San Nicolas-Binondo Police Community Precinct.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng MPD Explosive and Ordnance Division kasama ang mga K-9 unit, at isinagawa ang bomb sweep sa paligid ng paaralan — ngunit wala namang natagpuang bomba.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy at maaresto ang nasa likod ng pagpapadala ng naturang bomb threat.
(JOCELYN DOMENDEN)
