ISANG hinihinalang vintage bomb ang nadiskubre habang naghuhukay ang mga construction worker sa National Museum of Anthropology sa Finance Road, Ermita, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.
Agad na iniulat ang insidente sa Ermita Police Station 4 ng Manila Police District na kinordon ang lugar habang mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng District Explosive Canine Unit ng MPD (DACU).
Ayon sa ulat, bandang alas-10:23 ng umaga nang mahukay ng mga construction worker ang nasabing bomba ngunit ayon sa mga awtoridad, sa pangunguna ni Police Lieutenant Eduard Raguindin ng MPD-DACU, tanggal na ang pin nito at wala nang kakayahang sumabog.
Ang nahukay na nasabing vintage bomb ay isang 81 MM mortar na kinakalawang na.
(RENE CRISOSTOMO)
