BINANATAN ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga paratang ng isang indibidwal, na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dapat sisihin sa kontrobersiya sa budget.
Aniya, malinaw ang Konstitusyon: “Nasa Mababang Kapulungan nagsisimula at natatapos ang appropriation bills. Ang Kongreso ang gumagawa, nagdedebate, at nagpapasa ng budget — kasama ang insertions. Kung may anomalya, sila ang dapat managot. Ang pagsisi sa Pangulo ay insulto sa prinsipyo ng separation of powers.”
Sa isyu naman ng veto, aniya: “Ang veto ay panangga laban sa mali, hindi espada para patayin ang buong budget. Hindi pwedeng gawing super-legislator ang Pangulo. Kung basta na lang i-veto ang bilyun-bilyong proyekto, mas lalong maaapektuhan ang mga komunidad.”
Mariin din niyang tinutulan ang panawagang impeachment laban kay Marcos: “Ang impeachment ay para lang sa matinding pag-abuso, pagtataksil sa bayan, o tahasang paglabag sa Konstitusyon. Ang pagpirma sa budget na dumaan sa tamang proseso ay hindi pasok dito. Kung ganyan ang lohika, lahat ng Pangulo mula 1987 dapat nang na-impeach!”
“Hindi remedyo ng Konstitusyon ang pagbibitiw. Personal na desisyon iyan, hindi pwedeng ipilit ng mga maiingay na kritiko,” dagdag niya.
Depensa rin niya ang pagbubuo ng fact-finding commission ng Pangulo:
“May kapangyarihan ang Pangulo sa ilalim ng Administrative Code na bumuo ng mga komisyon. Ang layunin nito ay maglatag ng ebidensya sa korte, hindi propaganda.”
Sa huli, pinunto ni Goitia:
“Ang budget ay produkto ng buong proseso: Kongreso ang utak, Ehekutibo ang tagasuri, Hudikatura ang bantay. Ang sisihin lang ang Pangulo habang pinapalusot ang Kongreso ay kasinungalingan.”
Si Dr. Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayang organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
(JULIET PACOT)
