MARAMI pa ring natitirang proyekto ng mga miyembro ng Kongreso sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) kahit burado na ang P255 bilyong flood control projects.
Ito ang kinumpirma ni House Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, na nagsabing inilipat lang sa iba’t ibang ahensya ang pondo pero nanatili ang alokasyon ng bawat kongresista.
“Yes, tinanggal ang flood control projects worth P255B. Pero tiniyak ng House na yung alokasyon ng bawat kongresista ay mananatili pa rin,” ani Tinio.
Giit pa niya, lumaki pa nga ang pondo ng DPWH para sa road maintenance, tulay, multi-purpose buildings, at farm-to-market roads.
Dahil dito, hindi raw matatawag na “bokya” ang mga mambabatas dahil tuloy ang mga proyekto na una na nilang inilagay sa NEP.
Kasabay nito, hinamon ni Tinio ang mga kasamahan sa Kamara at maging sa Senado na isapubliko ang kanilang mga proyekto mula 2023 hanggang 2025, pati na sa susunod na taon.
“Isapubliko — ano ba talaga ang projects n’yo. Kung wala namang problema, dapat ipagmalaki pa,” dagdag pa ng kongresista, na umaming halos lahat ng mambabatas ay may insertions hindi lang sa 2025 budget kundi maging sa nakaraang pondo.
Tinawag din niyang “damage control” ang pasya ng bagong liderato ng Kamara na itigil ang imbestigasyon ng Infra Committee sa flood control scandal.
“Kasi sa bawat hearing, may bagong pangalan at bagong rebelasyon. Sa pagtigil nito, nabawasan ng isang venue para lumabas ang posibleng nakakayanig na impormasyon,” paliwanag ni Tinio.
Sa ngayon, Senado na lamang aniya ang inaasahan ng publiko na mailabas ang buong katotohanan, dahil sarado sa publiko ang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
(BERNARD TAGUINOD)
114 