(NI ZIA A. JINGCO)
HINDI man pinalad makapasok sa NCAA Season 95 finals, umaasa si Alvin John Capobres ng San Sebastian College na maipagpapatuloy niya ang mas malaking laban sa pro league–PBA.
Katulad ng ibang basketball players sa UAAP at NCAA, pangarap din ni Alvin na makapaglaro sa PBA. Katunayan, isa siya sa amateur players na makikipagsapalaran sa darating na PBA annual Rookie Draft sa December 8.
Aminado si Alvin na kabado siya sa darating na PBA draft. “Syempre po kabado ako habang papalapit ang drafting.”
Kaya naman panay ang dasal ng 6-foot-2 small forward ng San Sebastian na makuha siya ng alinmang team sa PBA.
Ngunit kung siya ang papipiliin, gusto niyang mapunta sa NLEX Road Warriors, sa pamamahala ni coach Yeng Guiao.
Hindi itinatago ni Alvin na fan siya ng dating Gilas Pilipinas head coach. “Disiplinado po kasi siya sa kanyang mga player. At kapag napunta ka sa kanya, pipigain ka talaga niya sa laro mo, para may ilabas ka pa.”
Ganito rin daw kasi ang paborito niyang head coach sa Baste na si coach Egay Macaraya, na labis niyang pinasasalamatan sa mga tulong nito sa kanya.
“Nagpapasalamat po talaga ako sa kanya (coach Egay) kasi binigyan niya ako ng pagkakataon na makapaglaro sa Baste.”
Hindi biro ang pinagdaanan ni Alvin bago niya nakuha ang tiwala ni Macaraya. Katunayan, kahit star player siya sa pinaggalingan niyang school (San Lorenzo), paglipat niya sa Baste ay naging bench warmer muna siya.
Noong una ay bihira siyang gamitin ni Macaraya sa mga laro ng San Sebastian. Pero hindi kailanman nagreklamo si Alvin at sa halip ay mas lalo siyang nagsikap para pagbutihin ang kanyang paglalaro.
Dahil sa sipag at tiyaga, unti-unting nadagdagan ang exposure sa hard court ni Alvin hanggang sa naging isa siya sa “dependable” players ng Baste.
Ngayon ay panibagong landas na naman ang tatahakin ni Alvin–PBA. Tulad ng kanyang ama na si Danny Capobres, na dati rin PBA player sa koponan ng FedEx Express noong 2002 hanggang 2005, hangad niya na magtagumpay para sa kanyang pangarap at para sa kanyang pamilya at pinakamamahal na girlfriend.
