CENTRALIZED EMERGENCY RESPONSE DEPARTMENT MULING IGINIIT

SA GITNA ng sunud-sunod na pagpasok ng mga bagyo sa bansa, muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para sa pagtatatag ng isang centralized Emergency Response Department o ERD.

Sinabi ni Cayetano na ang kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council ay binubuo ng mga committed at dedicated na tauhan subalit 44 na ahensya ito na ad hoc ang coordination.

Iginiit ng senador na hindi sasapat ang ad-hoc response sa bawat kalamidad kaya’t dapat mayroong departamento na in charge dito at mayroong sistemang ipatutupad para laging handang rumesponde.

Layunin ng ERD na magkaroon ng mas episyente, science-based, at people-centered na plano sa disaster management.

Sa ilalim ng panukala, pagsasamahin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC at ang Office of Civil Defense o OCD sa ilalim ng bagong departamento.

Ang ERD ang mangangasiwa hindi lang sa humanitarian assistance ng gobyerno tuwing may kalamidad, kundi pati na rin sa disaster risk reduction bago pa man ito mangyari, at sa rehabilitation efforts pagkatapos ng kalamidad.

Kabilang din sa mandato ng ERD ang pagpapalakas at pagpapatakbo ng 911 Nationwide Emergency Hotline system.

May probisyon din ang panukala para sa pagbuo ng Humanitarian Emergency Assistance and Disaster Fund o HEAD Fund, na kukuha ng hindi bababa sa one percent ng regular revenue ng gobyerno o P25 bilyon, alin man ang mas mataas, para agad na magamit sa oras ng sakuna.

(DANG SAMSON-GARCIA)

53

Related posts

Leave a Comment