GARMA, 4 PA IPINAAARESTO SA BARAYUGA MURDER

IPINAAARESTO na ng korte si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma at apat pang iba kaugnay sa pagpatay kay PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020 sa Mandaluyong City.

Kinumpirma ito ni PNP Public Information Office Chief PBGen Randulf Tuaño sa press briefing sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga.

Batay sa inilabas na warrant ng Mandaluyong Regional Trial Court, Branch 279, nahaharap si Garma sa kasong murder dahil sa pagkamatay ni Barayuga, at frustrated murder kaugnay ng pamamaril sa driver ng opisyal.

Kasama ni Garma sa mga ipinaaaresto sina: Edilberto Dela Cruz Leonardo, Jeremy Zapata Causapin @ Toks, Santie Fuentez Mendoza, at Nelson Enriquez Mariano.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa limang akusado. Ayon sa mga otoridad, huling na-monitor si Garma na nagtungo sa Malaysia.

Sinabi pa ni Tuaño na natanggap na ng Mandaluyong court ang arrest order laban kay Garma at sa mga kasabwat nito.

Samantala, iniutos ni Acting PNP Chief PLTGen Melencio Nartatez Jr. na tiyakin ang “justice for all” kaugnay ng naturang kaso.

(TOTO NABAJA)

262

Related posts

Leave a Comment