HINDI dapat hayaan ipagkibit-balikat lamang ng Pilipinas ang ‘parusa’ na ipinataw ng China laban kay dating Sen. Francis Tolentino dahil sa pagtatanggol sa West Philippine Sea (WPS) bagkus ay gawin din ito sa Chinese officials na nagkakalat ng maling impormasyon laban a bansa.
Ginawa ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang pahayag matapos i-ban ng China si Tolentino hindi lang sa China kundi maging sa Hong Kong at Macao.
“The Philippine government should undertake a commensurate and proportional response to the travel sanction against former Senator Francis Tolentino. It should similarly impose similar travel sanctions on current or previous high-level Chinese officials who had been undertaking disinformation against PH interests in the West Philippine Sea,” mungkahi ni Ridon.
Taliwas naman dito ang pananaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsabing bagama’t prerogatibo ng China ang pag-ban kay Tolentino, hindi makatutulong para maibalik ang tiwala sa isa’t isa at maging sa biletaral relation ng dalawang bansa kung gagawin iyon ng Pilipinas.
Sinuportahan naman ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre si Ridon upang maipakita na hindi lang sa salita kundi sa gawa ang pakikipaglaban ng Pilipinas sa nasabing karagatan na inaangkin ng China.
“I would agree with Congressman Ridon lalong lalo na sa sitwasyong ito na meron tayong dating senador na tumindig at ipinakita ang kanyang suporta at posisyon ng kanyang bansa,” ani Acidre.
Kinatigan din ng mambabatas si Tolentino sa pagsasabing “badge of honor” ang ginawa sa kanya ng China dahil naramdaman ng mga ito ang pakikipaglaban sa soberenya ng Pilipinas na hindi iginagalang ng nasabing bansa.
“I would agree with him (Tolentino). It would be a badge of honor for anybody to have to face the consequences no matter how dire dire it will be for standing up, for our country sovereignty,” ani Acidre.
Si Tolentino ang sumulat sa Philippine Maritime Zones Act o Republic Act (RA) No. 12064 at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065) na nagpatatag sa karapatan ng Pilipinas sa WPS at pinangunahan din nito ang imbestigasyon sa pang-eespiya ng China sa Pilipinas.
(BERNARD TAGUINOD)
