DINAKIP ng mga pulis ang isang Chinese national dahil sa umano’y pagmolestiya nito sa dati niyang empleyado sa bayan ng Mexico sa lalawigan ng Pampanga.
Batay sa naantalang ulat ng Mexico Municipal Police Station sa Pampanga Provincial Police Office, ang suspek na si Yanlong Xu Chen, 36, ay dinakip noong Biyernes, Agosto 27, 2021.
Si Chen, isang contractor sa Chinese firm na Nanzhu Construction Company, ay dinakip sa mismong bahay nito sa Barangay Anao sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Judge Richard Gazzingan Evangelista ng Mexico-San Luis Municipal Circuit Trial Court, kaugnay sa apat na kasong acts of lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, na may piyansang P144,000.
Batay sa report, isang 33-anyos na Filipina na umano’y dating empleyado ng suspek ang naghain ng reklamo kaugnay ng pagmolestiya ng dayuhan noong Hunyo at Hulyo sa opisina ni Chen. (JG TUMBADO)
