CHIZ PAGPAPALIWANAGIN SA TINANGGAP NA P30-M CAMPAIGN CONTRIBUTIONS

PAGPAPALIWANAGIN na ng Commission on Elections si dating Senate President Francis Chiz Escudero at ang kontratistang si Lawrence Lubiano kaugnay sa ₱30-milyong campaign contribution ng Centerways Construction and Development Corporation sa senador.

Sa panayam kay Comelec Chairman George Erwin Garcia dito sa Senado, kinumpirma niyang ilalabas ngayong Huwebes ang show cause order laban kay Lubiano, presidente ng Centerways Construction.

Bibigyan si Lubiano ng limang araw upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng election offense dahil sa pagbibigay ng kontribusyon kay Escudero.
Kapag nakapagsumite na siya ng tugon, susunod namang hihingan ng paliwanag si Escudero.

Bukod sa kanila, may 52 kontratista rin ang natukoy ng Comelec na nagbigay ng campaign donation sa pitong tumakbo bilang senador at kongresista, 15 party-list groups, at tig-dalawa sa pagka-gobernador at bise gobernador.

Gayunman, mauuna umano sina Lubiano at Escudero dahil sa kanilang tahasang pag-amin ukol sa nasabing donasyon.

Ang iba pang kontratista ay hinihingan pa ng kumpirmasyon mula sa DPWH kung talagang may hawak na kontrata sa gobyerno.

Sinabi ni Garcia na target ng Comelec na tapusin ngayong Setyembre ang determinasyon kung may pananagutan ang mga kontratista at kandidato na sangkot sa kampanyang pinondohan ng pribadong kumpanyang may kontrata sa pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

63

Related posts

Leave a Comment