Polong sa InfraComm: ‘Wag kami! FOCUS SA ISYU NG CO, ROMUALDEZ KICKBACK

UPANG maging kapani-paniwala ang imbestigasyon ng Infra Committee, dapat ibalik ang usapan kina House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa halip ilihis ang isyu laban sa pamilya Duterte.

Bwelta ito ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte sa kanyang mga kasamahan na dumidinig sa usapin ng mga anomalya sa flood control projects.

“Balik niyo yan sa usapang Martin Romualdez at Zaldy Co para may maniwala sa inyo, InfraComm. Huwag n’yong gamitin ang Davao at ang pamilya ko para lang ma-divert ang isyu at mailihis ang tunay na korapsyon,” giit niya.

Pinuna ni Duterte ang isa sa mga chairman ng House Committee on Public Works and Highways (Infra Committee) dahil umano sa paglilihis ng imbestigasyon kaugnay ng anomalya sa flood control projects.

Sa pagdinig ng komite kamakalawa, tinanong ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman at Manila Rep. Joel Chua si DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral hinggil sa ₱51 bilyong budget ng distrito ni Duterte sa Davao City.

“Anong klaseng hearing ba ito?” tanong ni Duterte. Giit niya, ang iniimbestigahan ay payola sa flood control projects, subalit tila pilit na inililihis umano sa kanya ang usapan.

Nabunyag na nakatanggap ng ₱51 bilyong halaga ng proyekto ang distrito ni Duterte mula 2020 hanggang 2022, sa panahon ng administrasyon ng kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Duterte kayo nang Duterte! I challenge the Filipino people — do a background check on all Makabayan bloc congressmen. At kayo rin na mga taga-Luzon, tingnan ninyo ang inyong mga congressman. Huwag puro tutok sa Davao — nasa inyo mismo ang baha at basura,” ani Duterte, na tumukoy sa matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon na iniuugnay umano sa mga substandard at ghost flood control projects.

“Nasa harap niyo na mismo ang corruption, pero Duterte pa rin ang pinupuntirya ninyo. What’s wrong with this InfraComm? Panakip-butas na naman pamilya namin sa inyo ring mga kurapsyon?” dagdag pa ng mambabatas.

Iginiit din ni Duterte na hindi siya nakikialam sa mga budget hearing ng Kamara. “Never ako nakialam sa mga budget hearing sa Kamara. Kahit tanungin niyo pa yung mga nagdaang Speaker. May delicadeza ako. Hindi kagaya ngayon na mismo magkakamag-anak ang naglalaro sa budget,” aniya.

Bagama’t hindi pinangalanan, tila tinutukoy ni Duterte sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at pinsan nitong si Romualdez.

Idinagdag pa ng kongresista na dapat ding sagutin ang mga tanong ukol sa umano’y insertions ng mga kongresista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE), gayundin ang kalagayan ng Maharlika Fund.

“At ano na ang Maharlika Fund — ano na talaga ang nangyari doon?” tanong pa ni Duterte.

Ilantad Lahat

Kahapon ay nanawagan naman si Rep. Duterte na ilantad ang katotohanan sa lahat ng flood control projects sa bansa, hindi lamang sa Luzon, dahil pondo umano ito ng lahat ng nagbabayad ng buwis.

Kasabay ng pagdinig ng House Committee on Public Works and Highways, iginiit ni Duterte na kung totoo ang mga ghost projects ay dapat itong ipakita sa publiko. Pinuna rin niya ang umano’y pagtuon ng imbestigasyon sa Davao City lamang.

“Hinahamon ko ang lahat: ipakita ninyo lahat ng budget, ilabas ninyo lahat ng proyekto. Huwag n’yong itago sa papel, ipakita ninyo sa mismong distrito kung meron bang kalsada, tulay, kanal, ospital, o pawang drawing lang,” ani Duterte.

Giit ng kongresista, dapat patas at makatarungan ang imbestigasyon at ang tunay na managot ay ang nasa likod ng anomalya, hindi ang kanyang pamilya.

(BERNARD TAGUINOD)

192

Related posts

Leave a Comment