SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
WALA na yatang mas sasaya pa sa panahon na hindi pinababayaan ng mga namumuno ang kanilang nasasakupan.
Ganyan ang nararamdaman ng mga taga-Malabon City dahil sa walang kapagod-pagod na paghahatid-serbisyo sa kanila ni Mayor Jeannie Sandoval.
Si Sandoval ang nanalo sa local elections noong Mayo.
Ngunit nahaharap sa matinding pagsubok ang lungsod dahil sa malawakang pagbaha sa kanilang lugar nitong mga nakaraang linggo.
Masaya namang ibinalita ni Sandoval na matagumpay nang nailagay ang kabuuang floodgate (upper and lower fixed part) ng North Muzon Tide Control Gate Structure (TCGS).
“Ayon sa MMDA, patuloy nilang oobserbahan ang bagong install na mga parte ng flood gate para sa ano mang leakage. Maraming salamat sa mga kawani na tinutukan ang kalagayan natin dito sa Malabon at ginawa ang lahat ng remedyo para masolusyunan ang problema natin sa baha,” ayon sa Facebook post ng mayora.
Sa Brgy. Dampalit, namahagi ng 400 food packs ang alkalde sa mga pamilyang apektado ng nakaraang pagbaha.
“Ito po ay paunang tulong para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Kasama ni Councilor Maricar Torres at Brgy. Captain Carlo Dumalaog, binisita at kinumusta po natin sila upang personal na makita ang kanilang kalagayan. Nakatutuwa po na unti-unti nang bumabalik ang kanilang mga ngiti sa gitna ng problemang hatid ng baha,” wika ni Sandoval.
Siyempre, hindi rin pinababayaan ng alkalde ang iba pang mga apektadong barangay.
Nasa 200 food packs din ang hatid nila sa Barangay Flores bilang paunang tulong sa ating mga kababayan na apektado ng baha.
Sinamahan sila nina Mr. Charlie Policarpio, Councilor Maricar Torres at ng team ng Malabon Chambers of Commerce and Industry Inc., pati na rin ni Brgy. Captain Cito Aquino at mga kagawad.
“Sa mga sakuna na kagaya nito, hindi po kayo nag-iisa.
Sabay-sabay po tayong babangon at lalagpasan ang problemang hatid nito,” masayang sabi ng mayora.
Tinatayang 400 food packs din ang naipamahagi ng tanggapan ni Sandoval sa Brgy. Bayan-bayanan sa tulong ng Malabon Chambers of Commerce and Industry, Inc.
Aba’y personal na bumisita ang alkalde sa mga residente, kasama sina Mr. Charlie Policarpio at Councilor Maricar Torres upang kamustahin ang mga ito.
Nitong nakalipas na Martes, pinangunahan naman ni Sandoval ang orientation sa beneficiaries ng unang batch ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/displaced Workers (TUPAD).
“Sa tulong ng ating butihing Senator Joel Villanueva at ng Malabon PESO OIC Luziel G. Balajadia, maisasakatuparan na ang pagbibigay ng kaukulang trabaho para sa mga kababayan nating displaced workers, mga tinanggal o natanggal sa trabaho, at seasonal workers. Patuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maibigay sa inyo ang mga nararapat na programang pangkabuhayan, kagaya po ng TUPAD,” pahayag pa ng masipag na alkalde.
