MALACAÑANG KAY ROQUE: FAKE NEWS KA NA NAMAN

“KASINUNGALINGAN na naman!”

Ito ang reaksyon ng Malacañang sa pahayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque na umano’y nais nang makipag-ayos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ng kampo ng Bise Presidente ang pagtatrabaho kaysa pamumulitika.

“Kasinungalingan na naman! Dapat ang iniisip nila ngayon ay serbisyo muna bago pamumulitika,” ani Castro.

Nauna rito, sa isang video na ibinahagi ni Roque sa kanyang Facebook page noong Lunes, Pebrero 23, 2026, sinabi nitong may isang confidential source na nagsabing nais umanong makipag-ayos ni Marcos Jr. kay VP Sara.

“[Ayon sa] confidential source namin, gusto makipag-ayos ni Marcos Jr. kay VP Sara,” ani Roque.

Dagdag pa niya, “Siyempre, kilala ko na ‘yang si VP Sara, tapos na. The train has left. Wala nang balikan ‘yan.”

Ayon pa kay Roque, tanging pagkamit umano ng katarungan ang nais ng Bise Presidente kaugnay ng sinapit ng ama na kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng International Criminal Court (ICC).

Buwelta ni Castro, hindi dapat agad pinaniniwalaan ang aniya’y “salon gossip” ni Roque at inakusahan pa niya ito bilang pinagmumulan umano ng “fake news.”

“Sa sagot na ito ng Bise Presidente na ayaw daw niyang makipag-ayos ay kitang-kita ang tunay niyang kulay,” dagdag ni Castro.

Iginiit din ng Malacañang na nakatuon ang Pangulo sa pamamahala at paglilingkod sa bayan.

“Ang Pangulo ay busy sa pagserbisyo sa bayan, hindi tulad ng iba na nangangampanya na ngayon pa lang,” patutsada pa ni Castro.

(CHRISTIAN DALE)

1

Related posts

Leave a Comment