COMMISSIONER CHARLIE MENDOZA, MAY MALINAW NA DIREKSYON PARA SA BUREAU OF CUSTOMS

TARGET ni KA REX CAYANONG

MALAKING hamon ang pamumuno sa Bureau of Customs (BOC), isang ahensyang may mahalagang papel sa ekonomiya, kalakalan at seguridad ng bansa.

Kaya naman mahalagang hakbang ang pagpasok ni Charlito Mendoza bilang bagong commissioner, lalo’t kailangan ng ahensya ng tuloy-tuloy na reporma at mas mahusay na serbisyo. Hindi rin naman baguhan si Mendoza sa BOC. Nagsilbi na siyang district collector ng Port of Cebu mula 2019 hanggang 2022.

Ang kanyang karanasan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance (DOF) ay dagdag na puhunan sa pag-unawa sa mga usapin ng koleksyon at pangangasiwa sa kita ng pamahalaan.

Sa kanyang mensahe, malinaw ang direksyong nais niyang tahakin: ipagpatuloy at pabilisin ang mga repormang nasimulan na sa ahensya, kabilang dito ang pagbabawas ng red tape at pagpapalawak ng digitalization upang maging mas mabilis, simple at maayos ang transaksyon ng mga importer at iba pang kliyente ng BOC.

Mahalaga rin ang kanyang pagtutok sa cargo clearance. Hindi dapat maging pabigat sa mga negosyante ang mabagal na proseso at paulit-ulit na kakulangan sa dokumento.

Sa pamamagitan ng online tracking at mas maayos na pagproseso, maaaring mabawasan ang pagkaantala at hindi kinakailangang pagtaas ng storage at container charges.

Hindi rin dapat isantabi ang mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan at hangganan ng bansa.

Tama lamang na bigyang-pansin ang paglaban sa smuggling, lalo na ang ilegal na pagpasok ng produktong agrikultural na maaaring makapinsala sa lokal na produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka.

Kasabay ng pagpapabilis ng kalakalan, kailangang tiyakin na hindi nagiging daan ang maluwag na sistema upang makalusot ang mga kontrabando at produktong ipinagbabawal. Mahalaga rin ang direktiba ni Mendoza sa mga district collector na palakasin ang koordinasyon at regular na suriin ang koleksyon at mga suliranin sa operasyon.

Hindi maliit na responsibilidad ang P1.074-trilyong target na koleksyon ng BOC sa 2027. Kailangan dito ang mahusay na pamamahala, malinaw na sistema at disiplina sa bawat tanggapan. Sa ganitong mga hamon masusubok ang kakayahan ng bagong commissioner. Ngunit ang kanyang dating karanasan at mga unang direktiba ay nagbibigay ng malinaw na larawan ng mga prayoridad na nais niyang tutukan.

Ang mahalaga ngayon ay maisalin sa konkretong resulta ang mga ipinangakong reporma. Kung magiging mabilis ang serbisyo, matatag ang border protection at maayos ang koleksyon, hindi lamang ang BOC ang makikinabang kundi pati ang mga negosyante, mamimili at buong bansa.

May malinaw na hamon sa bagong pamunuan.

At siyempre, may pagkakataon si Mendoza na patunayan na ang isang mahusay at makabagong Bureau of Customs ay posible sa pamamagitan ng matatag na pamumuno at tapat na paglilingkod.

17

Related posts

Leave a Comment