US FIRM SINABING MALAKI NA ANG IBINABA NG POPULARIDAD NI VP SARA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MALAKI na raw ang ibinaba ng popularidad ni VP Sara Duterte. ‘Yan ay ayon sa founder ng 3rdEye na si Hussain Nadim. Ang 3rdEye ay isang predictive modeling firm na nakabase sa pamosong Silicon Valley sa US.

Interesting ang pahayag na ito ng 3rdEye dahil sa paraan nila ng pagkuha ng data upang makuha ang resulta.

Hindi po sila katulad ng research and survey firms dito sa Pinas, tulad ng Octa Research, SWS at Pulse Asia kung saan nakabase sa face-to-face survey ang paraan ng pagkuha ng data.

Gumagamit ang 3rdEye ng AI o Artificial Intelligence upang pag-aralan ang 10.6 milyong data points mula sa social media at inihihiwalay ang mga “inauthentic coordinated behavior”.

Ayon kay Nadim, mataas pa rin ang approval rating ng Pangalawang Pangulo at marami pa ring followers ito.

Pero sa pinakahuling 3.6 million data na kanilang nakalap mula sa social media sites na Facebook, Instagram, X, YouTube at Tiktok sa pagitan ng April at Oktubre sa kasalukuyang taon, bumaba raw sa 15% ang positive sentiment kay VP Sara ngayong Oktubre kumpara sa 40% sa pareho ring buwan nitong nakaraang taon.

Dumoble naman ang negative sentiment sa Pangalawang Pangulo na umakyat sa 60% ngayong Oktubre mula sa 30% noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon sa 3rdEye, ang paghina ng positive sentiment kay VP Sara ay maaring isisi sa high intensity campaign ng mga tagasuporta nito kung saan maaaring napagod na raw ang mga ito.

Ipinagmalaki rin ng 3rdEye ang kanilang prediksyon na nitong nakaraang midterm election, na magiging mataas ang ranking nina Sen. Bam Aquino at Kiko Pangilinan base sa nakalap nilang mga datos.

Taliwas ito sa resulta ng mga survey dito sa bansa bago ang halalan.

Nakikita rin daw ng 3rdEye ang pag-usbong ng “third force” sa pulitika dito bansa, may isang kandidato na hindi kaalyado ng mga Marcos o mga Duterte sa darating na 2028 National Elections.

165

Related posts

Leave a Comment