CAYETANO NAGBABALA SA FOREIGN LOANS NA HINDI NASUSURI NG KONGRESO

HINIMOK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Commission on Audit (COA) na suriin ang mga foreign loan agreement ng pamahalaan upang matiyak na dumaraan sa masusing pagsusuri ang mga proyektong pinopondohan nito at hindi basta na lamang nagiging obligasyon ng Kongreso ang bilyun-bilyong pisong utang.

Sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) sa nominasyon ni Douglas Michael Mallillin bilang COA chairperson noong Nobyembre 23, 2026, sinabi ni Cayetano na maraming kasunduan sa foreign loans ang may arbitration clause na maaaring magtakda ng paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan sa labas ng Pilipinas.

Ayon sa senador, posibleng obligadong bayaran pa rin ng pamahalaan ang mga utang kahit tutulan ng Kongreso ang proyekto at hindi aprubahan ang kaukulang pondo.

“Even if Congress said they don’t like the project and they won’t pay, but you (Executive) signed on behalf of the Philippines and ito yung arbitration clause, you [still] have to pay,” pahayag ni Cayetano.

Binigyang-diin niya na sa ilalim ng Article VI, Section 29 ng 1987 Constitution, walang pondong maaaring ilabas mula sa kaban ng bayan kung walang appropriation na pinagtibay bilang batas.

Nangangahulugan ito na may kapangyarihan ang Kongreso na suriin at aprubahan ang paggasta ng pamahalaan.

“If you look at the Constitution, on Section 29, it says ‘No money shall be paid out of Treasury except in pursuance of an appropriation bill made by law.’ Klaro iyon na ‘pag walang appropriation, hindi pwedeng ilabas ‘yung pera,” paliwanag niya.

Gayunman, pinahihintulutan din ng Article VII, Section 20 ng Konstitusyon ang Pangulo na pumasok sa mga kasunduan o maggarantiya ng foreign loans sa ngalan ng Pilipinas, basta may paunang pagsang-ayon ng Monetary Board at alinsunod sa mga limitasyong itinakda ng batas.

Sa mga nakaraang budget deliberations, binigyang-diin din ni Cayetano ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagsusuri ng Kongreso at mga pananggalang upang matiyak na napakikinabangan ng bansa ang mga proyektong pinopondohan sa pamamagitan ng pangungutang.

Nagbabala rin siya na maaaring umabot sa mga susunod na taon ang pagbabayad sa mga foreign loan dahil sa mga itinakdang iskedyul at grace period. Dahil dito, posibleng kailanganing maglaan ng pondo ang mga susunod na pambansang budget para sa mga obligasyong pinasok ng kasalukuyang administrasyon.

Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang mga flood control project na kasama sa ilang foreign loan agreement kahit binawasan na ng Kongreso nitong mga nakaraang taon ang alokasyon para sa mga naturang proyekto.

“This is huge amounts of money, including foreign-assisted projects, na parang wala kaming choice kundi i-approve. Hindi talaga na-scrutinize ‘yan like the other parts of the P7 trillion national budget,” ani Cayetano.

Dahil dito, hinimok niya ang COA na busisiin ang mga kasunduan sa foreign loans, partikular ang posibleng epekto ng mga ito sa pambansang budget at sa kapangyarihan ng Kongreso na suriin at aprubahan ang paggasta ng pamahalaan.

“I think COA should look at this,” giit ng senador.

32

Related posts

Leave a Comment