IKINATUWA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakasama ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa kauna-unahang listahan ng World’s Best Major Airports of 2027 ng TIME Magazine.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Mandarin Oriental Makati, sinabi ng Pangulo na isang magandang balita ang pagkilala sa rehabilitated at modernized NAIA, na pangunahing paliparan ng bansa at gateway patungong Metro Manila.
“To share an update worth celebrating, we are delighted that the rehabilitated and modernized NAIA, the country’s major gateway to Metro Manila, was recently included in TIME Magazine’s World’s Best Major Airports of 2027,” ayon kay Marcos.
“We’ve come a long way since it was the world’s worst airport,” dagdag ng Pangulo.
Umaasa si Marcos na mapananatili ang positibong momentum sa gitna ng patuloy na pagsisikap na maisaayos at ma-modernize ang pangunahing paliparan ng bansa.
“So, let’s therefore build on that momentum, make the Philippines a more attractive destination in the region and beyond,” aniya.
Nasa ika-47 puwesto ang NAIA sa unang edisyon ng naturang listahan, na may markang 76.46. Itinuturing itong pag-unlad matapos itong maisama sa mga listahan ng pinakamasasamang paliparan sa mundo sa mga nakaraang taon.
Ayon sa TIME Magazine, kinikilala sa naturang ranggo ang mga paliparang mahusay sa passenger experience at operational performance, batay sa mga consumer survey na isinagawa sa nakalipas na tatlong taon.
Patuloy na sumasailalim sa malawakang rehabilitasyon at pagpapalawak ang NAIA upang mapataas sa 62 milyon ang taunang kapasidad nito sa pasahero pagsapit ng 2028.
Mas mataas ito kumpara sa 52 milyong pasaherong naitala noong 2025, gayong orihinal na idinisenyo lamang ang paliparan para magsilbi sa 35 milyong pasahero kada taon.
Samantala, binigyang-diin din ni Marcos ang mahalagang papel ng industriya ng hotel sa pagpapalakas ng turismo at paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
(CHRISTIAN DALE)
33 