PAGPAPALAKAS NG KALIGTASAN AT PROTEKSIYON SA MAMAMAYAN, PINATUTUTUKAN NI MARCOS

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalakas ng kaligtasan, proteksyon at kapakanan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mas aktibong pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mahalagang bahagi nito ang pakikipagtulungan sa mga barangay, pagpapalakas ng police visibility at mobilisasyon ng mga lokal na komunidad.

Sinabi ni Castro na hindi lamang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ang tungkulin ng mga pulis, kundi kabilang din dito ang pag-aaruga, paggabay at pagbibigay-proteksyon sa bawat mamamayan, lalo na sa mga higit na nangangailangan.

Isa umanong halimbawa nito ang paglulunsad ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PRO-CAR), sa pangunguna ni Regional Director Police Brigadier General Noel Vallo, ng “Project Patnubay” sa Jack’s Center, Betag, La Trinidad.

Ayon kay Castro, nakatuon ang programa sa mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong at atensiyon, kabilang ang mga kabataan, senior citizen, persons with special needs, kababaihan at iba pang vulnerable sector.

Layunin nitong agad matukoy ang mga nangangailangan ng tulong, mabigyan sila ng angkop na aksiyon, maiugnay sa mga kinauukulang ahensya at masubaybayan ang kanilang kalagayan.

Isasagawa ang proyekto sa pamamagitan ng regular na pagbisita at pakikipag-ugnayan sa mga barangay, pagtukoy sa mga nangangailangan ng tulong, pagpapalaganap ng impormasyon, pagsasanay sa mga tauhan at pagtatatag ng maayos na sistema ng referral at monitoring.

Samantala, iniulat din ni Castro ang mga operasyon ng PRO-CAR laban sa ilegal na droga at kriminalidad.

Ayon sa kanya, umabot sa halos ₱2 bilyon ang halaga ng mga ilegal na drogang nasabat ng mga pulis mula Enero 1 hanggang Nobyembre 15 ngayong taon. Nasa 393 katao naman ang naaresto sa halos 1,000 operasyon laban sa ilegal na droga.

Umabot din sa 1,686 ang kabuuang bilang ng mga naarestong indibidwal, kabilang ang 350 most wanted at 1,336 iba pang suspek. Iniulat din ang pagbaba ng crime rate sa rehiyon, gayundin ng mga kaso ng theft at robbery.

Tiniyak ni Castro na magpapatuloy ang kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad.

Binigyang-diin din niya na naniniwala si Marcos na sa sama-samang pagkilos ng kapulisan, pamahalaan at komunidad ay mabubuo ang isang lipunang walang naiiwan, kung saan ligtas, pinahahalagahan, pinakikinggan at natutulungan ang bawat mamamayan.

Ayon kay Castro, ang mas mapayapang komunidad ay magbibigay ng higit na kapanatagan sa publiko, na makatutulong din sa pagpapalakas ng turismo at paglago ng ekonomiya.

(CHRISTIAN DALE)

148

Related posts

Leave a Comment