PERSONAL na inalam ni Congressman Fidel Nograles ang kalagayan ng mga miyembro at opisyales ng Kasiglahan Market Vendors Association, Incorporated (KMVAI) matapos masunog ang kanilang palengke noong Marso 3, ngayong taon.
Sinalubong ang mambabatas nina Kasiglahan Market Vendors Association, Inc. President Cristina Pacheco, Treasurer Elvira Flores at iba pang miyembro ng samahan.
Sa kanilang pag-uusap, tiniyak ni Nograles kina Pacheco at Flores na magbibigay siya ng materyales para agad maitayo ang palengke at magkaroon silang muli ng pagkakakitaan. Nauna nang nagbigay ng ayuda si Nograles sa mga naapektuhan ng sunog.
Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay KMVAI Treasurer Elvira Flores, nabigla na lamang siya nang makita niya na nagliliyab na ang bubong ng kanyang pwesto na agad kumalat sa mga kalapit niyang pwesto.
Ayon pa sa kanya, nasa dalawang milyong piso (P2M) ang nawala sa kanya nang matupok ang kanyang mga TV, aircon, frozen foods, styro, plastic, cash at iba pang paninda.
Sa bilis aniya ng pangyayari ay hindi na niya alam kung ano ang kanilang uunahin isalba.
Unang nagresponde sa sunog ang maliit na fire truck ng Montalban Fire Station, subalit wala umano itong lamang tubig kaya gumamit ito ng fire hydrant sa lugar na wala ring nasipsip na tubig.
Anila, imbes makatulong sa pag-apula ng apoy ang fire truck ng Montalban Fire Station dahil ito ang unang dumating sa palengke ay nagmistula itong inutil dahil wala itong dalang tubig.
Kalaunan ay dumating ang malalaking fire truck mula sa Marikina City at Commonwealth, Quezon City subalit wala nang nagawa ang mga vendor at tuluyang natupok ang palengke.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Pacheco sa pagkasunog ng palengke kung saan sila kumukuha ng kabuhayan.
Ani Pacheco, bagaman ayaw niyang magbintang kung sino ang nasa likod ng sunog, nagtataka siya kung bakit dumating ang fire truck ng Montalban Fire Station na walang dalang tubig.
Sinabi pa niya, na gusto lamang nilang maghanapbuhay para sa kani-kanilang pamilya, sila na ang nagpagawa ng palengke, sila rin ang nagbabayad ng guwardiya sa tulong ng kontribusyon ng kanilang mga miyembro.
“Gusto naming maging maayos ang aming pagtitinda, sana tulungan kami ng mga kinauukulan at nang lokal na pamahalaan ng Montalban para sa legal na mga dokumento dahil gusto lang namin maghanapbuhay, ayaw naming makipag-away,” pahayag pa ni Pacheco.
Sa ulat, nagsimula ang sunog dakong ala-1:30 ng hapon noong Marso 3 na kasagsagan ng init ng panahon. Sa nasabing araw din nagdeklara na walang pasok ang iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Ang KMVAI ay may 80 miyembro. Ilan sa kanila ang nagtitiyaga na lamang magtinda sa gilid ng kalsada.
Dahil dito, ginarantiyahan ni Nograles ang buong suporta para makabangon ang mga biktima ng sunog. (JOEL O. AMONGO)
