PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
MALAKING swerte ang dala sa akin, personally, nitong nakaraang midterm elections, kasi po, nanalo ang mga kandidatong sinuportahan natin.
Mantakin naman na mahigit 300,700 ang boto na inilamang ni Yorme Isko Moreno laban kay Manila Mayor Honey Lacuna — na salamat naman, agad na tinanggap ang kanyang pagkatalo.
Katulad ng unang mga ipinangako ni Yorme Isko sa kanyang mga interbyu sa media, unang gagawin nila ni Vice Mayor Chi Atienza, lilinisin ang kadugyutan at aayusin ang pinansiya ng siyudad, at bayaran ang mga obligasyon na, ayon kay Yorme, tulad ng milyon-milyong utang sa mga kontraktor, sa kolektor ng basura, pagbili ng mga kulang na suplay ng gamot, pag-ayos ng mga pasilidad ng ospital, health center, at patuloy na serbisyo sa mga lola, lolo, PWDs at mamamayan ng siyudad, etc.
Ipinangako ni Yorme Isko, na maibigay sa Manilenyo ang totoong serbisyo, at ang kapanatagan, sa isip sa buong araw at magdamag, at kasiguruhan, kung may mangyaring krimen, aaksiyon agad, dahil sa kanyang panunungkulan, “ipadadama niya ang matino, maayos na gobyerno ng Maynila.”
***
‘Di nagkamali ang prediction ng maraming political survey at Top 5 winner na senador si Koyang Erwin Tulfo na sa botong 17,118,881 votes, at ilang ulit nating isinulat sa ating mga kolum, tiyak ang kanyang panalo, ito nga ay dahil sa magandang akomplisment niya noon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), etc.
Balita natin, mahigit sa 50 proposed legislation ang agad na ihaharap ni Sen. Erwin sa Senado at ito ay tungkol sa kung paano maiaangat ang kabuhayan ng pamilyang Pilipino,
Noon ay binabanggit ni Koyang Erwin ang pagpapalakas sa agrikultura para sa ating food security at trabaho at security sa trabaho ng ating manggagawa; pagtulong sa maliliit na negosyante, lalo na ang tinatawag na underground economy.
Isa pang ikinatutuwa natin, mantakin naman, dating konsehal, dating vice mayor at incumbent city congressman ang tinalo ni Brian Yamsuan sa 2nd District ng Paranaque.
At mahigit sa 20K boto ang inilamang niya sa kalaban — na hindi biro ang makinarya politika na pinataob ni Cong. Yamsuan.
Tumalab sa mga botante, lalo na sa sektor ng maliliit na negosyante, na gusto niyang mabigyan ng oportunidad ang mga tao na umangat ang kanilang estado sa buhay.
Sabi nga niya noon — na ating isinulat — na hindi basta lang magbibigay siya o ang gobyerno ng ayuda na wala nang kasunod na programa.
At iba ang tiwala ni Cong. Yamsuan sa mga ka-distrito, kasi sabi niya, bilib siya sa kapwa na may matatag na pagtiwala sa sariling pagsisikap at tatag ng kalooban na makaahon sa kahirapan.
Sa Kongreso, inaasahan na magtataguyod siya ng mga batas para mabigyan, hindi lamang ng dagdag-kapital ang maliliit na naghahanapbuhay, kundi ang pagpapaluwag ng mga rekisitos sa pagkuha ng permit, kaluwagan sa pagbubuwis, at iba pang tulong kabuhayan.
***
Marami pa rin ang gulat na gulat sa malaking panalo ni Cong. Rodante ‘Dante’ Marcoleta na ni hindi man lamang natanaw na mananalo ng malalaking political survey.
Aba, sa pagkatanda ko, tanging ang survey ng Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI) ang nag-predict na isa sa top winners si Sagip Party-list Cong. Dante.
At ang nakatutuwa, kasama rin si Koyang Erwin sa sinabi ng PAPI survey na top winners, tulad ni Marcoleta — na biktima pa ng fake news na umatras na raw sa kandidatura, sobrang foul naman iyon.
Pumuwesto sa ika-6 si Cong. Dante na kumabig ng 15,250,723 votes na hindi nakuha ng mas sikat na kandidatong senador.
Sa mga kandidatong senador, tanging si Kapatid Dante ang walang maibabatong putik sa panunungkulan sa Kamara, at kung mayroon man, ito iyung mga ayaw sa kanya, kasi raw, mahirap siyang ikorap.
Ang kantyaw pa kay Cong. Dante, kokonti lang daw ang boboto sa kanya — mga kapwa kapatid sa Iglesia Ni Cristo (INC) na kokonti ang bilang kumpara sa ibang grupo ng mananampalataya, pero iba ang kanilang unity, ang kaisahan ng kapatiran ay mahirap na magaya pa at matumbasan.
Nakalimutan ng mga nangangantiyaw, dinala ng marami, lalo na ng mga di-INC, ay ang malinis na pagkatao ni Ka Dante at ang pagnanais niya para sa kapakanan ng mahihirap.
Sa Senado, ipupursige niya na ang bayarin sa kuryente, tubig at iba pang serbisyo mula sa malalaking kompanya ay mapababa at maging mabilis.
Naniniwala ako na susuportahan ni Koyang Erwin ang panukala ni Cong Dante na ‘yung mga nagbabayad ng P2,000 sa kuryente ay mailibre na para sa kapos ang kita sa araw-araw.
At nais din ni Cong Dante na ang mga batas na nagpapahirap sa mga magsasaka, maliliit na negosyante, karaniwang manggagawa ay maamyendahan at kung tuluyang burahin na, mangyari po sana.
Naniniwala ako na sina Koyang Erwin, Cong Brian, at Cong Dante na ang puso ay nasa mga taong nasa “laylayan” ng ating lipunan, ay kaisa na magkakatulungan upang mapabilis ang pagbibigay ng totoong serbisyong kailangan ng ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap na pamilyang Pilipino.
Tanging pagpapasalamat, una nga sa ating Panginoong Diyos na hindi nagtagumpay ang mga nais na biguin ang naisin ng taumbayan na sila ay mailuklok sa Kamara at sa Senado.
Hindi kaila sa madlang bayan na may mga tao na nagtangkang biguin ang kanilang panalo at ngayon, umaasa tayo na sa 20th Congress, malaki ang maiaambag nina Sen. Erwin Tulfo, Cong. Brian Yamsuan, at Sen. Dante Marcoleta upang mabigyang ginhawa naman ang mamamayang Pilipino.
Muli po sa inyo, congratulations po, at alam namin, mabubuting batas ang ipanunukala ninyo kasi po, tunay sa inyong puso, Sen. Erwin, Sen. Dante at Cong Brian, ang inyong pagmamahal sa aming maliliit at nasa laylayan ng lipunang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com
