TARGET ni KA REX CAYANONG
MAKATARUNGAN AT ABOT-KAYANG KURYENTE: LABAN NI CONG. PRESLEY, LABAN NG BAYAN
SA bawat buwanang bayarin ng kuryente, hindi lang konsumo ang binabayaran ng pamilyang Pilipino—pati buwis.
At kung ang layunin ay tunay na ginhawa para sa mamamayan, kailangang alisin ang pabigat na 12% Value-Added Tax (VAT) sa kuryente. Ito ang ipinaglalaban nina Cong. Presley De Jesus ng PHILRECA Party-list at Cong. Sergio Dagooc ng APEC Party-List mula pa noong ika-18 Kongreso.
Hindi ito panibagong sigaw, kundi matagal nang panawagan.
Noong Hulyo 31, 2019, inihain ni Cong. Presley ang House Bill No. 3248—panukalang naglalayong gawing VAT-exempt ang buong electricity supply chain: mula generation, transmission, hanggang distribution.
Kaya sa kanilang adbokasiya sa ika-19 na Kongreso, muling isinulong ang House Bill No. 02151 upang ipagpatuloy ang laban para sa mas makatarungan at abot-kayang kuryente.
Hindi lang ito laban ng mga mambabatas—ito ay laban ng lahat.
Maigi kung ang bawat Pilipino ay makiisa.
Dapat aw pumirma sa National Signature Campaign na nananawagan ng No to VAT on Electricity.
Bawat pirma ay tinig ng bayan na nagsasabing: “Sobra na, tama na!”
Ito ang panawagan para sa makatao at makatarungang serbisyo.
Sinasabing sa tulong ng Power Bloc at sa pamumuno ni Cong. De Jesus, itinataguyod ang kapakanan ng mga member-consumer-owners.
Sabi nga, ang kuryente ay pangangailangan kaya hindi dapat pinagmumulan ng labis na buwis.
