MANILA — Itinutulak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pagbuo ng isang national contingency framework upang maprotektahan ang overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng tumitinding global instability.
Sa Senate Resolution No. 343, hinimok ni Cayetano ang Executive Branch na maglatag ng komprehensibong contingency plan para mapalakas ang kahandaan ng bansa sa malalaking krisis sa loob at labas ng Pilipinas.
Ayon sa senador, direktang naaapektuhan ng mga armadong sigalot at pag-uga ng pandaigdigang ekonomiya ang kabuhayan at kaligtasan ng milyun-milyong OFWs, lalo na sa Middle East.
Iginiit niya na kinakailangan ang malinaw na balangkas upang maging mabilis at maayos ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa oras ng krisis, kabilang ang evacuation, repatriation, at tulong pinansyal.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa $35.63 bilyon ang cash remittances ng OFWs noong 2025, na nagpapakita ng malaking ambag ng sektor sa ekonomiya.
Dahil dito, sinabi ni Cayetano na nararapat lamang na matiyak ang sapat na proteksyon at suporta para sa mga Pilipino sa abroad sa panahon ng emerhensiya.
Inaprubahan ng Senado ang resolusyon sa unanimous vote.
108 