SINO nga ba ang dapat masunod sa pagdedesisyon sa mga plea-bargaining case sa mga drug cases na nakasampa na sa korte? Ang judge ba o ang mga piskal ng Department of Justice (DOJ)?
Nag-ugat ang kalituhan sa pagdedesisyon ng mga Hukom o Judges sa mga plea bargaining case ng mga drug cases sa korte makaraang baligtarin ng supreme court Second Division ang naging ruling ng Regional Trial Court (RTC) ng Naga City, Branch 24, at ng Court of Appeals pabor sa kaso ng isang Edwin Reafor, makaraang kuwestyunin ito ng office of the Solicitor General (OSG) sa SC.
Ayon sa desisyon na isinulat ni Supreme Court Senior Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, kailangan ay mayroong pagsang -ayon ang DOJ-Prosecutor bago payagan ng Hukom o Judge ang mga plea bargaining ng mga drug cases laban sa isang nasasakdal.
Pinalagan naman ng mga hukom o judges sa bansa ang nasabing decision ng Korte Suprema dahil sa magmimistula silang sunod -sunuran sa kagustuhan o pasya ng mga piskal kung papayagan ba nito o hindi ang inihahaing plea bargaining ng isang akusado bago sila makagawa ng desisyon.
Ayon sa grupo ng mga hukom, mas lalo sila ngayong mahihirapan at posibleng matatambakan ng mga kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga dahil sa naturang kautusan ng SC.
Sa panayam naman sa ilang hepe ng mga piskal na hindi ko na papangalanan, sinabi nila na sang-ayon sila sa naging desisyon ng SC 2nd Division dahil tama at nararapat lamang na mayroong consent ng mga piskal bago payagan ng korte ang isang Plea Bargaining case sa mga illegal drug cases na isinampa nila sa korte at hindi lamang ang mga piskal kundi kasama na rin sa dapat na may pahintulot sa mga plea bargaining case ng mga illegal drugs ay ang mga Arresting Officers o mga otoridad na siyang naghahain ng kaso sa piskalya bago ito maiakyat sa korte o Hukuman, “NAKO PO LALO NG GUMULO”
Kung pagbabasehan kasi ang naunang ruling ng SC, idineklara nito na unconstitutional ang nakasaad sa Section 235 ng Republic Act No. 9165 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 na prohibition o pagbabawal sa plea bargaining sa mga kaso ng ilegal na droga.
Kung saan ay binibigyan ng Supreme Court ng kapangyarihan ang mga hukom o judges sa mababang hukuman na desisyunan ang mga motion o plea bargaining sa kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga laban sa akusado kung ang nakumpiska sa nasasakdal na ilegal na droga o Methylamphetamine Hydrochloride (Shabu) ay hindi tataas sa 300 gramo at 500 gramo naman sa marijuana, Samantalang hindi naman pinapahintulutan ang plea bargaining sa mga drug cases kung lagpas na sa itinakdang parametro o bilang.
Samantala, nitong nakaraang lunes ay umapela naman sa SC ang Public Attorneys office sa pangunguna ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta kung saan hiniling nila na maikunsidera ang naturang desisyon ng 2nd Division kung saan kanilang hiniling sa SC na mai-akyat ito sa EN BANC o dili kaya’y magtakda ng isang Oral Arguments sa kinukuwestyong kautusan ng SC 2nd Division upang ito’y matalakay o mapagdebatehan ng husto.
Naniniwala kasi ang PAO na nalabag ng naturang kautusan ang isinasaad ng due process, equal protection clause at ang prinsipyo ng double jeopardy.
Paliwanag pa ng PAO sa kanilang apela na ang Diwa ng plea bargaining, partikular na sa mga drug cases ay walang pribadong offended parties, hindi anya katulad sa mga ordinaryong krimen at pagkakasala,
At sa naturang desisyon anya ng second division ay mayroong hindi magandang epekto sa justice system ng bansa dahil ang hudikatura ay magiging isang lameduck, at sunod sunuran sa DOJ.”
Naniniwala rin ang PAO na ang “jail congestion at clogging sa mga court dockets ay hindi mareremedyuhan at magpapatuloy pa sa paglala at matatalo ang inaasam-asam na pagbabago sa pagpapairal ng hustisya sa bansa kung hindi masu-solusyunan ang naturang decision.
Samantala ayon naman sa mapagkakatiwalaang source ng inyong lingkod na posibleng mabago ang naturang ruling ng second division sa oras na maisampa ito ng SC EN BANC at matalakay ng husto ng mga mahistrado ang naturang kautusan.
