KINASTIGO sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa itinakda nitong panuntuan na ang sasagutin lamang ay ang mga taong magpapa-test sa COVID-19 hanggang Abril 14, 2020.
Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, hindi dapat magtakda ng deadline ang PhilHealth dahil walang nakaaalam kung kailan matatapos ang salot na dulot ng COVID-19 kaya pinalawig ang Enhanced Community Quarantine hanggang Abril 30, 2020.
“The COVID-19 virus knows no deadline and won’t hesitate from infecting people after April 14 even April 30 or until government take necessary steps in stopping the spread of the virus,” ani Castro.
Ginawa ng mambabatas ang nasabing pahayag kasunod ng Philhealth Advisory N. 2020-022 na lahat ng mga pasyente sa COVID-19 mula Pebrero 1, 2020 hanggang Abril 14, ang sasagutin nila mula sa testing hanggang sa pagpapagamot.
Nangangahulugan na lahat ng mga pasyente na hindi makagpapasuri sa nabanggit na petsa ay sa sariling bulsa na ng mga ito manggagaling ang ipambabayad sa ospital. BERNARD TAGUINOD
