UMAKYAT na sa 2,005 ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area makaraang madagdagan ng 11 bagong namatay noong Mayo 7 ang tatlo sa apat na lungsod.
Ayon sa ulat, anim ang namatay sa Caloocan City na umabot na sa 1,560 ang active cases. Naitala sa 27,943 ang confirmed cases sa lungsod, habang 25,589 ang recoveries at 794 na ang namatay.
Tatlo naman ang namatay sa Navotas City at 344 ang active cases matapos na 12 ang nagpositibo at 37 ang gumaling.
Pumalo na sa 10,600 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 9,918 na ang gumaling at 338 na ang namatay.
Samantala, dalawang COVID patients naman ang binawian ng buhay sa Malabon City at 416 na ang COVID death toll.
Habang 36 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 12,542 ang positive cases sa siyudad, 377 dito ang active cases.
Nakapagtala naman ng 39 pasyente na nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 11,749 ang recovered patients ng Malabon City.
Habang isinusulat ito ay hindi pa nakapaglalabas ng COVID cases update ang Valenzuela. Noong Mayo 6 ay 457 na ang COVID casualties ng lungsod. (ALAIN AJERO)
271
