SA kabila pa ng unti-unting pagpasok ng panahon ng taglamig na kaakibat ng Kapaskuhan, bumaba na sa 10% ang positivity rate ng National Capital Region (NCR) sa nakamamatay na COVID-19, ayon sa Octa Research Group.
Sa datos na ipinrisinta ni OCTA fellow Dr. Guido David, lumalabas na ang positivity rate (dami ng nahawang indibidwal na sumailalim sa COVID testing), patuloy ang pagkaunti ng bilang ng mga kumpirmadong positibo sa nakalipas na pitong araw kumpara sa 12.3% positivity rate noong nakaraang linggo.
Bukod sa Metro Manila, nakitaan din ng pagbaba sa COVID-19 positivity rate ang Aklan, Bataan, Batangas, Bulacan, Cagayan, Camarines Sur, Cavite, Davao del Sur, La Union, Laguna, Pampanga, Pangasinan, Rizal, South Cotabato, Tarlac, at Zambales.
Gayunpaman, iba ang sitwasyon sa Benguet, Cebu, Iloilo, Isabela, Misamis Oriental at Negros Occidental kung saan mas marami ang naitalang kumpirmadong kaso base sa bilang ng mga sumailalim sa COVID testing.
