NAIS ni Senador Manny Pacquiao na ipagpaliban ng isang taon ang pagdaragdag ng premium contributions sa PhilHealth ng health care professionals at iba pang health care workers.
Magsisilbi anya itong ‘token’ o konsiderasyon sa sakripisyo ng mga healthcare worker sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Senate Resolution 429, hinikayat ni Pacquiao ang Senado na isulong ang suspensyon ng dagdag na PhilHealth premium contributions para sa healthcare professionals na dapat ipatutupad ngayong taon.
Sa ilalim ng Universal Health Care Law, nakatakdang itaas ng PhilHealth ang premium payments mula 2.75% at gagawing 3% ng buwanang sahod ng mga miyembro.
Taun-taon pang itataas ang contribution hanggang maabot ang 5% sa 2024.
Ang resolusyon ni Pacquiao ay suporta sa Philippine Medical Association (PMA) na humihiling ng suspensyon.
Ipinaliwanag ng senador na ang suspensyon sa dagdag kontribusyon ay maliit na paraan upang kilalanin ang mga sakripisyo ng frontliners. (Dang Samson-Garcia)
