Dagok sa layon ni Eumir para sa unang gintong medalya sa Olimpiyada

NAANTALA na naman ang ­paghahanda ni Filipino Olympian Eumir Marcial para sa darating na XXXII Games of the ­Olympiad na gaganapin sa ­Tokyo simula Hulyo ng taong ito.

Dumating sa Pilipinas ang middleweight Olympic qualifier na tubong Zamboanga para dalawin ang may karamdamang amang si Eulalio at sana’y samahang muli ang pambansang koponang nakatakdang lumahok sa Asian Elite Men and Women Boxing Championships sa May 21-31 sa New Delhi.

Subalit ang nasabing torneo sa India ay ipinagpaliban at inilipat sa Dubai ng Asian Boxing Confederation simula Hulyo. Naging dahilan ito para ­mahinto ang kanyang anim na buwan nang pag-eensayo sa Wild Card Gym sa Los Angeles sa ilalim ng pamamahala ni Hall of Fame trainer Freddie Roach.

Hindi pa malaman kung ano ang plano ng Association  of Boxing Alliance of the ­Philippines (ABAP) para punuan ang nawalang torneo sa New Delhi na ayon kay ABC president Anas Al Otaiba, “assess and evaluate readiness of Asian boxers for the Olympics and provide the ­highest competitive atmosphere and platform for upcoming boxers.”

Hindi rin klaro kung makababalik pa ang 25 anyos na sarhento ng Philippine Air Force sa Wild Card para doon ituloy ang paghahanda sa layong bigyan ang Pilipinas ng kauna-unahan nitong gintong medalya galing sa Olimpiyada.

Isa na namang dagok ito sa hangarin ni Eumir na putulin ang 96 taong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya galing sa tuwing ika-apat na taong palaro na tinatawag ding “greatest ang biggest sports show on earth.”

Maihahalintulad ito sa ­naging karanasan ni Marcial na matapos makuha ang lugar niya sa Olympics ay nagdeklara ang pamahalaan ng lockdown sa lahat ng aktibidades sa sports sa bansa, kaya hindi na nakapag-ensayo dahil sa kakulangan o kawalan ng training program ng ABAP.

Nagtulak ito sa kanya na mag-pro at samantalahin ang pasilidad na inalok sa kanya ng Wild Card at lumipad patungong Amerika upang doon maghanda.
Pinag-aaralan pa umano ng ABAP kung tutuloy pa ang ­pambansang koponan sa Dubai, na ayon sa obserbasyon ng ­marami ay masyadong magastos para sa Philippine Sports Commission. Na ang

ibig sabihin ay kalimutan na ang matagal nang pangarap ng ating mga kababayan na manalo tayo ng Olympic gold medal PARA MAIWASAN ANG MALAKING GASTOS!

Kawawa naman talaga itong ating bansa. Mahirap na, nagkaroon pa tayo ng mga lider sa sports na walang pakialam sa damdamin ng mga Filipino.

Ang huling nadinig namin, ayon daw kay PSC commissioner Mon Fernandez at national training director Mark Velasco, tutal nasa Thailand pa ang pambansang koponan kung saan ang ating mga boksingero ay matagal nang nagsasanay, pasunurin na lamang si Eumir sa Bangkok para doon ituloy ang kanyang paghahanda. Simple nga naman, hindi po ba?

Ang problema, hindi alam ng dalawang itlog na ito ang mga Thai ay kasinlalaki lamang nating mga Filipino at hanggang ngayon, sa 50 taong kumokober ang reporter na ito sa sports, ay wala pa ­kaming nababalitaang isang magaling na middleweight na puwedeng maka-spar ni Eumir.

Isa pa, ang team ng nasabing bansa sa boksing ay nasa Europa na mula pa noong ­Hulyo at doon nagpeprepara.

Bago umalis ng L.A ang ­ating bata, siya ay nagdaan muna sa matinding ensayo mula kay Freddie Roach, kabilang ang sparring sessions laban kay Panama lightheavyweight Israel Duffus, Russian amateur middleweight Petr Khamukov at Kazakh supermiddleweight Aidos ­Yerbossynuly.

Ayon sa Filipino assistant ni Roach na si Marvin Somodio, kamuntik nang mapabagsak ni ­Eumir si Khamukov sa ­sparring session. Ang Ruso ay isang beterano ng 98 laban na may 80 panalo
Si Yerbossynuly naman ay nagmamay-ari ng malinis na 15-0 panalo-talong rekord (10 Kos) at nakatakdang lumahok sa IBF supermiddleweight title eliminator.

Ayon sa Amerikanong ­pangulo  ng MP Promotions na si Sean Gibbons, tunay na inihanda ni Roach ang Pinoy, “bringing in top-level sparmates with a deep amateur background to prepare Marcial for the Olympics.  It’s ­Tokyo gold medal or bust.”

At ano naman ang ginagawa ni Eumir sa Zamboanga sa isang linggong pamamalagi niya roon?

“Nakakapag-ensayo rin po. Tumatakbo tuwing umaga kasama ng Zamboanga basketball team. May pangako po ang ABAP na magpapadala ng makaka-spar ko, pero hindi pa dumarating.”

“Masaya po ako. Nakita ko rin sa wakas ang Dad ko, si Mommy at mga kapatid ko na matagal ko nang di nakikita,” aniya. “Masaya rin po sila, lalo ang Daddy na malaki ang inimprub mula nang dumating ako dito.”

125

Related posts

Leave a Comment