CAVITE – Natagpuan ang bangkay ng isang 15-anyos dalagita sa Tanza noong Lunes ng umaga makaraang malunod sa dagat sa Naic matapos na magkayaang maligo kasama ng ilang mga kaibigan noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Mary Ann Asne, ng Block 15, Lot 113, Phase 3, Ciudad Verde, Timalan, Naic.
Ayon sa ulat ni Corporal Nikko Paul Barranco ng Tanza Police Station, dakong alas-10:30 noong Lunes ng umaga nang nadiskubre ng isang Carlo Reymundo, 35, mangingisda, ang nakalutang na bangkay ng biktima sa dagat sa sakop ng Brgy. Amaya 7, Tanza, dahilan upang ipagbigay-alam sa nakasasakop na barangay at sa pulisya.
Sa tulong ng social media, naipaabot sa kamag-anak ang sinapit ng biktima at kinilala ang bangkay.
Ayon sa pamilya, Linggo ng hapon nang nagpaalam ang biktima na maliligo sa dagat sa Naic kasama ng mga kaibigan ngunit tinangay umano ng malakas na alon hanggang sa hindi na ito nakita.
Wala namang nakitang ano mang palatandaan ng foul play sa katawan ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)
