Dalawampu’t Isang Piso at Dalawampu’t Siyam na Sentimo: Sapat Na Ba?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

SAAN nga ba makabibili ng buong pagkain sa halagang P21.29? Kung may alam kayong karinderyang nagbebenta ng kanin, ulam at sabaw sa presyong iyan, baka naman pwedeng ibahagi ang lokasyon. Marami sigurong gustong makakain doon.

Hindi kataka-takang naging usapan ang halagang ito sa social media, kabilang ang X.

Maraming Pilipino ang nagtatanong kung saan makahahanap ng pagkaing ganito kamura. May mga nagbiro pa at sumubok ng P21 meal challenge. Nakatatawa ang ilan sa mga reaksyon, pero kung iisipin, hindi ba dapat mas nakababahala kaysa nakatutuwa ang sitwasyong ito?

Para malinaw, ang P21.29 ay hindi opisyal na presyong itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa isang pagkaing mabibili sa karinderya. Nagmula ito sa 2023 food threshold na P9,581 kada buwan para sa pamilyang may limang miyembro. Samantala, ang P96.22 kada tao bawat araw ay ang 2025 poverty threshold, na sumasaklaw sa pangunahing pangangailangan sa pagkain at hindi pagkain.

Nauunawaan ko naman na may sariling paraan ang PSA sa pagkukuwenta. Ngunit hindi ba dapat ding itanong kung gaano kalapit ang mga numerong ito sa aktuwal na karanasan ng mamamayan?

Sa mga karinderyang nakikita ko, ang isang kanin ay maaari nang umabot sa P20. Ang gulay na ulam ay nasa P20 hanggang P30, habang ang karne ay maaaring umabot sa P50, P80 o higit pa. Sa ganitong mga presyo, paano pagkakasyahin ang P21.29? Baka kanin na lang ang bilhin at makiusap na makahingi ng sabaw.

May natatandaan akong aralin sa economics: hindi porket posible ang isang bagay sa papel ay nangangahulugang sapat na ito sa totoong buhay.

Oo, maaaring makabuo ng murang pagkain gamit ang pinakamurang sangkap at pinakamaliit na bahagi. Pero mabubusog ba ang isang tao? Sapat ba ang sustansiyang makukuha niya? Hindi lang pera ang dapat isaalang-alang sa pagkain. Mahalaga rin ang kalusugan, dami, kalidad at kasiyahan sa kinakain. Hindi makina ang tao na basta lagyan lamang ng kung ano at aasahang gagana buong araw.

Ang mas nakababahala ay kung gaano kadaling maging katanggap-tanggap ang napakaliit na halaga kapag inilagay na sa isang opisyal na estadistika. Para bang kapag nagkasya sa kalkulasyon, dapat magkasya na rin sa buhay ng mga tao.

Hindi naman humihingi ang mamamayan ng handaan araw-araw. Gusto lamang nilang makakain nang maayos nang hindi kinakailangang magbilang ng bawat subo.

Hindi luho ang mabusog. Hindi luho ang makakain ng masustansiyang pagkain.

Madaling pagkasyahin ang buhay ng tao sa isang talahanayan. Ngunit ibang usapan na kapag ikaw mismo ang nakatayo sa harap ng karinderya, hawak ang P21.29, at sinusubukang alamin kung ano ang mabibili mong sapat para sa isang buong pagkain.

18

Related posts

Leave a Comment