TAMBULI ni JESSE RUIZ
ANG soberanya ng Pilipinas ay hindi isusuko, ang kasaysayan kailanman ay hindi mababaluktot, at alin mang teritoryo ng Pilipinas ay hindi kailanman magiging pag-aari ng China!
Ito ang dahilan kaya hindi dapat manahimik ang sambayanang Pilipino kahit sabihin pang sadyang manhid ang China sa katotohanan at legalidad maging sa sinasabi ng international laws.
Malinaw na kulang ang diplomatikong pagkilos kung ang kaharap ay ang China na lantarang walang pakialam sa katotohanan, kasaysayan at karapatan ng kanyang mga kapitbahay sa Asya at Pasipiko.
Hindi ba nakagigimbal na sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China, ay Batanes naman ang kanilang pinupuntirya sa pamamagitan ng pagkwestyon ng kanilang umano’y mga paham gamit ang kasaysayan na nagsasabing geographically karugtong ito ng Taiwan at dapat umanong mapasailalim sa soberanya ng China.
Minsan pang inilantad ng China ang mapanganib nitong estratehiya: kuwestiyunin ang kasaysayan, baluktutin ang katotohanan at paulit-ulit na magpalaganap ng mga kasinungalingang naratibo na nagbibigay-katwiran sa kanilang pagpapalawak ng impluwensiya at pag-angkin sa mga teritoryong hindi naman kanila.
Bukod rito, posible pang magbunga ito ng kalituhan sa taong bayan at lumikha ng pagkawatak-watak ng pananaw o paninindigan.
Mabuti na lamang at mayorya ng mga Pilipino ay nagsasabing hindi maaaring sagkaan ang karapatan lalo na ang soberanya ng isang independiyenteng bansa ng dahil lamang sa sinasabi ng tinaguriang scholars ng isang makapangyarihang bansa.
Kaya tama umano ang maalab na reaksiyon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro sa panibagong pagtatangka ng China na kuwestiyunin ang karapatan ng Pilipinas sa Batanes.
Pero kung paulit-ulit nang ipinaliliwanag ng Pilipinas ang posisyon nito sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan subalit patuloy pa rin ang pagpapalabas ng mga mapanlinlang na naratibo ng China, malinaw na hindi sapat ang mga pahayag ng pagkabahala at protesta.
Pero malinaw rin ang posisyon ng gobyerno na hindi dapat tuluyang isantabi ang diplomasya. Ang dapat gawin ay pagsamahin ang matatag na paninindigan, matibay na ebidensiya, tuloy-tuloy na diplomatikong pagkilos habang pinalalakas din ang credible defense posture ng Hukbong Sandatahang Lakas na magsisilbing panangga laban sa anomang banta.
Kaya ang panawagan sa taong bayan, huwag magpadala sa mga fake news, negatibong propaganda at mga mapanlinlang na naratibo lalo na kung ang soberanya ng bansa ang nakataya.
Tandan, kailanman ay hindi dapat basta-basta paniwalaan ang mga pahayag na nagmumula sa mga dayuhang institusyon o personalidad, lalo na kung may kinalaman ang mga ito sa teritoryo at pambansang seguridad.
Kapag paulit-ulit na ipinakakalat ang maling impormasyon, unti-unting nalilito ang publiko. Kapag nagtagumpay ang propaganda na pagdudahan ng mga Pilipino ang sarili nilang kasaysayan at karapatan, nagiging mas madali para sa ibang bansa na palabuin ang usapin ng soberanya.
Ang kalayaan, teritoryo at soberanya ng Pilipinas ay hindi maaangkin ng fake news, malisyosong naratibo lalo na sa pamamagitan ng pagbaluktot ng kasaysayan.
21 