RAPIDO NI TULFO
INIREKLAMO sa amin ang kaliwa’t kanang parking at maging ang sidewalk vendors diyan sa Dalupan St., dating Gastambide sa lungsod ng Maynila.
Sa kaakibat na video na ipinadala sa amin ng concerned citizens, makikitang puno ng mga tao at sasakyan ang isang bahagi ng naturang kalye na tumutugma sa reklamong natanggap namin.
Agad namin itong inilapit sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority sa opisina ni Chairman Ron Artes, upang aksyunan ang reklamo sa pamamagitan ng sidewalk and illegal parking clearing operations na pinangunahan ni Gabriel Go.
Ini-refer naman ito ng MMDA sa tanggapan ng Manila Police District (MPD), at sa aming panayam sa aking programa sa DZME 1530 khz, sa tagapagsalita ng MPD na si Major Phillip Ines, sinabi nito na matapos matanggap ang reklamo ay agad nilang inilapit ito sa Barbosa Police Station na nakasasakop sa lugar at ang mismong hepe nito na si Lt. Col. Fabros ang nagpunta upang tingnan ang sitwasyon.
Ang nakunan daw ng video na ipinadala sa amin ay ang mga taong nakapila sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa ayuda. Ayon pa kay Major Ines ay mukhang nagkaroon pa ng kaunting kaguluhan sa pamimigay ng ayuda dahil lumalabas na wala raw pondong maibibigay sa mga humihingi, ang DSWD noong araw na iyon.
Totoo naman po ang sinabi ni P/Major Ines na dinadagsa ng mga taong humihingi ng tulong ang tanggapan ng DSWD doon. Pero dapat din na matingnan ang mga reklamo ukol sa mga pampasaherong dyip na nakaharang sa kalsada roon at maging ang illegal vendors.
Ipagbibigay-alam namin sa DSWD ang hinaing na ito upang maayos nila ang pila ng mga taong lumalapit sa kanilang tanggapan upang hindi sila nagiging dahilan ng trapik.
Inaasahan din namin na titingnan ng MMDA ang kahabaan ng kalyeng ito upang masiguro na walang vendors na naka-aabala sa mga naglalakad at dumaraan sa kalye, at mga dyip na ginawang talyer di-umano ang lugar na ito kung saan bukod sa isang ospital ay matatagpuan din ang ilang kolehiyo at unibersidad.
