“MAHIYA naman tayo sa mga Pilipino. Ninakawan na nga ng trilyon piso, pagkakaitan pa ba sila ng buong katotohanan?”
Ito ang banat ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima matapos tumanggi ang Independent Commission on Infrastructure (ICI) na isapubliko ang imbestigasyon nito sa anomalya sa flood control projects.
Giit ni De Lima, hindi maiiwasang magduda ang taumbayan sa resulta ng ICI kung itatago nila ang kanilang mga hearing.
“Paano natin malalaman kung tumutugma ang mga detalye ng naunang pagdinig sa Kongreso kung hindi nila ilalabas ang proceedings? Paano mapapanatag ang mga Pilipino na walang pinagtatakpan?” tanong pa ng kongresista.
Dagdag pa niya, “People are watching. Hindi lang sa mga akusado nakatutok ang taumbayan kundi pati sa mga nag-iimbestiga—kung tapat ba sila at ginagawa ang kanilang tungkulin.”
Ayon kay De Lima, malinaw na nananawagan ang publiko ng pananagutan sa mga lumustay ng pondong dapat sana’y para sa proteksyon ng mamamayan. Kaya’t dapat daw isama ang taumbayan sa buong proseso at hindi sila pagkaitan ng impormasyon.
Samantala, ayon naman kay Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, ang pagtanggi ng ICI na isapubliko ang kanilang trabaho ay patunay na walang ngipin ang Executive Order 94 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Dahil dito, iginiit niyang dapat maipasa ang kanilang House Bill 4453 na magtatatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) kung saan bukas sa publiko ang lahat ng imbestigasyon.
“There’s no real accountability without transparency. Let the people in. Karapatan ng taumbayan na ninakawan ng bilyon-bilyon na makita ang proceedings ng ICI,” diin ni Cendaña.
(BERNARD TAGUINOD)
