DEFENSOR: NAG-NOTARYO NG AFFIDAVIT NI GUTEZA POSIBLENG NA-PRESSURE

Rep Mike Defensor-2

NANINIWALA si dating congressman Mike Defensor na posibleng tinakot si Atty. Petchie Rose Espera kaya itinanggi nito na siya ang nag-notaryo sa affidavit ni dating Master Sgt. Orly Guteza, na direktang nagdadawit kina Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez sa maanomalyang flood control projects.

“Puwede siyang tinakot. Pwede siyang sinabihan na sabihin mo hindi totoo ‘yan,” ani Defensor sa isang radio interview matapos itanggi ni Espera na siya ang nag-notaryo sa affidavit.

Ayon sa dating kongresista, ang pagtanggi ni Espera ay posibleng paraan lang para siraan si Guteza, na sa Senate Blue Ribbon Committee ay nagsabing tatlong beses umano siyang sumama sa pagdedeliver ng male-maletang pera sa bahay ni Romualdez sa Forbes Park noong Disyembre 2024, mula kay Co.

Si Guteza, na umano’y naging security ni Co noong panahong iyon, ay nagsabing tatlong beses silang nagdala ng pera sa bahay ni Romualdez.

Bago ito, ibinunyag din ni dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez na may nagdeliver ng male-maletang pera sa bahay ni Co sa Valle Verde 6, Pasig City, at Horizon Residences, Taguig City.

Ang naturang bilyong halaga ng pera ay sinasabing komisyon ni Co mula sa flood control projects na ibinaba sa First Engineering District ng DPWH sa Bulacan.

Nang tanungin kung sino ang posibleng nag-pressure kay Espera, sagot ni Defensor: “People who are mentioned, I would think. People who are affected, I would think.”

Dagdag pa niya, nagtatrabaho si Espera sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Giit ni Defensor, walang motibo si Guteza para magsinungaling. At kahit itinanggi ni Espera ang papel niya, nananatiling ebidensya ang testimonya ni Guteza dahil personal niya itong binasa sa Senate Blue Ribbon Committee.

Hindi rin umano nababahala si Defensor sa seguridad ng testigo, dahil mismong kapwa niya Marines ang nagpoprotekta sa kanya.

(BERNARD TAGUINOD)

72

Related posts

Leave a Comment