INALIS na ng Philippine Postal Corporation ang “notification cards” na 75 taon nang ginagamit, para mas mabilis, ligtas at maginhawang matatanggap ng publiko ang kanilang sulat at parsela sa pamamagitan ng door to door delivery service.
Ito ang ibinalita ni Postmaster General Norman Fulgencio, nang iulat nito na dapat tanggalin ang ganitong gawain upang hindi na maging sanhi ng pagkaantala o delay ng serbisyo na minsan ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong buwan bago makarating sa pinadadalhan ang sulat at parsela.
Dagdag pa nito, dahil sa mabilis at maginhawang serbisyo, makatutulong ito nang malaki sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nagpapadala ng kanilang sulat at pakete sa Post Office, na siyang may pinakamalawak na sangay sa mundo.
Ang pag-alis ng “notification Cards” ay isa lamang sa inisyatibo ng Post Office sa ilalim ng programa nitong “Hatid Malasakit” upang maipakita at maipadama sa publiko ang adhikain ng kanilang tanggapan na tumulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mamamayan. ( RENE CRISOSTOMO)
187 