(NI HARVEY PEREZ)
PUMALO na sa may 249,332 ang naitalang kaso ng dengue ng Department of Health (DOH) at nasa 1,021 na ang bilang ng mga nasawi mula Enero 1 hanggang Agosto 21, 2019.
Nabatid kay Health Undersecretary Eric Domingo, ito ay may 50% mataas kumpara sa naitalang 119,224 kaso ng dengue at 622 ang nasawi sa kaparehas na panahon noong 2018.
Sinabi ni Domingo na karamihan ng kaso ng dengue ay naitala sa Western Visayas na may 42,694; sinundan ng CALABARZON, 35,136; Northern Mindanao, 18,799; Zamboanga Peninsula, 17,529; at Eastern Visayas, 17,107.
Sinabi pa ni Domingo, nananatili sa 10 rehiyon ang lampas sa epidemic threshold.
Ayon pa kay Domingo, posibleng mas tumaas pa ang bilang ng mga dadapuan ng dengue pagpasok ng buwan ng Oktubre at Nobyembre dahil panahon pa rin ito ng tag-ulan.
“We’ve seen that, in the past years, there has been a spike until November, December as long as it is still raining,” ayon kay Domingo.
Nanawagan din si Domingo sa lahat ng Local Government Units (LGIs) na ituloy ang pagsasagawa ng kampanya kontra dengue.
Dapat umanong panatilihing ipatupad ang 4 ‘s’ strategy para makaiwas sa dengue.
