ISINUSULONG ni Senador Sonny Angara ang pagsasabatas ng digital payment system para sa mas mabilis at epektibong transaksyon sa gobyerno man o maging sa pribadong sektor.
Sinabi ni Angara na sa ngayon, nasa 27% hanggang 30% ang paglago ng digital payments sa bansa na mataas naman kumpara sa 25% na average sa Asian countries subalit isang porsyento lamang ito ng kabuyang 2.5 billion payments kada buwan.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang mababang digital payments ay dahil sa kawalan ng banking offices sa ilang panig ng bansa habang marami pa rin ang walang bank accounts.
Ayon sa BSP, 37% ng 1,634 na lungsod at munisipalidad sa bansa ang wala pa ring banking offices at 81.3% ng households sa Metro Manila ang walang bank accounts.
Sinabi ni Angara na dahil sa karanasan sa COVID-19 pandemic, nakita ng marami ang kahalagahan ng digital payments.
“We saw thousands of people lining up for the distribution of cash aid under the social amelioration program, which was not only inefficient, but unnecessarily exposed the beneficiaries and the people paying out the money to possible infection to the virus,” saad ni Angara.
Sa Senate Bill 1764 ni Angara, obligado ang lahat ng national government agencies (NGA), government owned and controlled corporations (GOCC) at local government units (LGU) na gamitin ang digital payment sa koleksyon ng buwis at iba pang bayarin.
“Sa ganitong paraan ay mas mapapabilis ang paghatid ng serbisyo para sa ating mga kababayan, mababawasan ang mga pila at makakatipid pa ang pamahalaan ng daang milyon kada taon,” diin ni Angara. (DANG SAMSON-GARCIA)
165