EMERGENCY POWER NI DIGONG, APRUB

duterte88

TULAD ng inaasahan, pinagtibay ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang bigyan ng Emergency Power si Pangulong Rodrigo Duterte para kontrolin ang pagdami ng mga mabibiktima ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sa pamamagitan ng viva voce voting, lumusot sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) 6616 o Bayanihan Act of 2020 na dating “We Heal As One” bill at habang isinusulat ito ay kinakalap pavang boto ng mga mambabatas na hindi nakadalo nang personal sa special session, para sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Sa special session na isinagawa kahapon base sa kahilingan ni Pangulong Duterte, 20 Congressmen lang ang personal na dumalo habang nakatutok naman sa live streaming ang 283 solon sa kani-kanilang bahay at bumoto lang ang mga ito sa pamamagitan ng text message.

“This bill seeks to declare a state of national emergency over the entire country and grant special authority to

President Rodrigo Duterte to address the crisis spawned by the novel coronavirus,” ani House majority leader Martin

Romualdez sa kanyang sponsorship speech sa nasabing panukala.

Base sa panukala, bibigyan ng kapangyarihan si Duterte na irealign ang may P200 Billion budget sa ilalim ng 2020 national budget para gamitin sa paglaban sa COVID-19 subalit itinaas ito ng Kongreso sa P275 Billion.

May kapangyarihan din ang Punong Ehekutibo na gamitin ang mga private transportation at maging ang mga pribadong establisimyento tulad ng mga hotel at mga pagamutan para sa mga biktima ng COVID-19.

Tinanggal ang mga katagang “take over” sa orihinal na panukala at pinalitan ito ng “direct operation” matapos itong kontrahin ng ilang mambabatas tulad ni ACT party-list Rep. France Castro na isa sa 20 mambabatas na dumalo sa nasabing special session.

‘DI AABUSUHIN
Kaugnay nito, tiniyak ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa publiko na hindi aabusuhin ng Duterte administration ang karagdagang kapangyarihan na hinihiling mula sa Kongreso para labanan ang coronavirus pandemic.

Sa idinaos na House Committee of the Whole hearing sa plenary hall, ay sinabi ni Medialdea na ang House Bill 6616, o ang panukalang Bayanihan Act, ay gagamitin ng Pangulo at Executive Branch na may kaakibat na legal authorities na kailangan para tugunan ang COVID-19 crisis lalo pa’t patuloy na tumataas ang kaso nito sa bansa.

Binigyang diin ni Medialdea na ang Saligang Batas ay nananatiling matatag kahit pa sa panahon ng emergency.

“This government believes that our democratic way of life will prevail through this crisis… We assure Congress and our countrymen that this administration has no intent to abuse the powers we are asking of you today,” ayon kay Medialdea.

“Our objective is to hasten the delivery of services to those who are suffering or are suspected of having Covid-19 to halt its spread and to bring relief to the rest of our countrymen who are now constrained to stay in their homes and give up for a time their ability to earn a daily living,” dagdag na pahayag nito. BERNARD TAGUINOD, CHRISTIAN DALE

13 SENADOR
PABOR
Mistulang pinaburan din ng 13 senador bilang co-author ang panukalang magbibigay ng dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Duterte upang tugunan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Sa ginanap na special session nitong Lunes, March 23, idineklara ni Sotto na pawang co-author ang dumalong mambabatas upang talakayin ang Senate Bill no. 1413 na tinawag na “We Heal as One Act.”

“With the approval of the body, all members present are made co-authors of the said  bill, Senate Bill 1413,” ayon

kay Sotto, na kasama si Senador Pia Cayetano sa naghain ng “We Heal as One Act.”

Bukod kina Sotto at Cayetano, may sampu pang senador ang dumalo kabilang sina Senate Pro Tempore Ralph Recto at sina Senador Sherwin Gatchalian, Christopher Lawrence “Bong” Go, Richard Gordon, Panfilo Lacson, Manuel “Lito” Lapid,  Manny Pacquiao, Grace Poe, Ramon “Bong’ Revilla Jr., at Francis Tolentino.

Kahit di nakadalo sa sesyon, kasama rin bilang co-author si Senator  Cynthia Villar na ayon kay Sotto ay bibilangin bilang co-author.
“Ah yes, counted yun, 13 co-authors,” ayon sa text message.

Hindi naman nakadalo ang mga oposisyon sa pamumuno ni Minority Leader Franklin Drilon, Francis Pangilinan, Risa Hontiveros, at Leila de Lima, na nakakulong.

Ayon kay Sotto, layunin ng panukala na magdeklara ng national emergency sanhi ng pananalasa ng COVID-19 at pinapayagan ang Pangulo sa limitadong panahon at alinsunod sa restrictions na gamitin ang kapangyarihan na kailangan at tamang ipatupad ang deklaradong pambansang patakaran. ESTONG REYES

172

Related posts

Leave a Comment