EO SA PAGBABA NG TARIPA SA IMPORTED PORK, PINABABABAWI

PINABABAWI ng mga senador ang executive order hinggil sa pagbaba ng taripa para sa imported pork at meat at ang pagtataas ng minimum allowable volume.

Sa pagdinig ng Senate committee of the Whole, binigyang-diin nina Senador Panfilo Lacson, Cynthia Villar, Migz Zubiri, Joel Villanueva, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Franklin Drilon at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na labis na nahihirapan ang local hog raisers sa epekto ng EO bukod pa sa apektado pa rin sila ng outbreak ng African swine fever (ASF).

“On behalf of the hog raisers, we urgently appeal to the President to reconsider and recall such executive order,” saad ni Lacson.

Sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, umabot ang average nationwide consumption ng pork products mula 2018 hanggang 2020 na 1.85 million metric tons subalit ang average annual local production ng pork ay 2.25 million metric tons.

“So where is the shortage? Hindi ba malinaw na higit pa sa sapat ang supply mula sa lokal na produksyon upang matugunan ang pangangailangan ng ating bansa?” diin ni Lacson.

“Ito ay sa kabila ng umiiral na ASF na nagsimulang makapasok sa ating bansa noon pa mang Agosto 2019 na siya nilang ginamit na pangunahing dahilan sa pagkumbinsi kay Presidente Duterte upang pirmahan ang nasabing EO,” diin pa nito.

Sinabi naman ni Villar na hindi na kailangang bawasan ang tariff rates sa pork products dahil may kita pa rin ang mga importer kahit hindi ito ibaba.

“In addition, there is no need to increase minimum access volume (MAV) because the good meat under MAV and outside MAV which was 30 to 40% tariff is only 30% of the sinasabi nilang short ng local production,” paliwanag ni Villar.

Pinuna naman ni Zubiri ang nagiging ugali ng Department of Agriculture na tila importasyon ang nagiging solusyon sa problema sa supply.
Iginiit ni Zubiri na dapat huling opsyon na lamang ang importasyon at mas mabuting tulungan ang mga producers. (DANG SAMSON-GARCIA)

147

Related posts

Leave a Comment