(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
BINATIKOS ng dating Finance Undersecretary ng administrasyong Marcos ang mga mambabatas, sa pangunguna ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, na nagbigay ng zero budget sa PhilHealth para sa 2025, dahil sa dagdag pabigat na ipinataw nila sa ordinaryong Pilipino.
Ayon sa ekonomistang si Cielo Magno, mapipilitan ang taumbayan na sagutin ang kanilang gastusin sa pagpapagamot at iba pang medikal na pangangailangan dahil sa desisyon nilang tanggalan ng pondo ang PhilHealth.
“Nakakagalit itong ginagawa ng Kongreso natin. Zero budget daw sa PhilHealth dahil mayroon P600 billion reserve fund. Alam niyo po, kapag binayaran ng PhilHealth iyong mga utang niya, kulang na kulang pa iyang P600 bilyon na iyan,” wika ni Magno sa kanyang TikTok post.
Kamakailan, naghain si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ng petisyon sa Kataas-Taasang Hukuman na kumukuwestiyon sa constitutionality ng 2025 budget bunsod ng nadiskubreng blangkong items sa bicameral conference committee report.
Inatasan ng Korte Suprema si Quimbo na dumalo sa pagpapatuloy ng oral arguments sa petisyon ni Rodriguez sa Abril 1, 2, at 3, taong ito. Si Quimbo ang dating Vice Chairperson ng Committee on Appropriations, na siyang nagtanggal ng P74 bilyong budget para sa PhilHealth, gamit ang hindi nagamit na P600 bilyong reserve fund ng ahensya bilang dahilan.
“Ang tanong, sino ang magbabayad ng subsidy para sa mga kababayan nating mahihirap, walang trabaho, 4Ps, at seniors?” tanong pa ni Magno, sa pagsasabing ang premium ng mahihirap na Pilipino ay sinasagot ng gobyerno gamit ang buwis sa produktong tabako at sugary beverages. Dahil sa desisyon ng mga mambabatas na alisin ang subsidy sa PhilHealth, taumbayan ngayon ang papasan sa gastos sa kanilang pagpapagamot, na magpapataw ng dagdag na pasanin mahihirap na pamilya, matatanda, at benepisyaryo ng social welfare programs.”
“Ang magtutustos niyan, ang magbabayad niyan, tayong ordinaryong manggagawang Pilipino kahit na nakasaad sa batas na dapat nilalaan diyan ang 80 percent ng kalahati ng taxes mula sa tobacco products at sugary beverages,” giit pa niya.
Kinondena rin niya ang mga mambabatas sa pagbibigay prayoridad sa mga programa na nagtataguyod ng patronage politics, gaya ng medical assistance sa mahihirap na pasyente.
“Bakit iyan ang pina-prioritize nila. Kasi bago ka makahingi ng tulong, kailangan mong lumapit sa politiko. Nakakawala ng dignidad. Lalapit ka sa politiko para manghingi ng guarantee letter para makakuha ng tulong sa pagpapagamot mo,” paliwanag ni Magno. “Kung sa PhilHealth iyan nilagay, automatic di ba, wala kang politikong hihingan ng tulong,” dugtong pa niya.
