Ombudsman sa reklamo vs Teodoros: 90% NG MGA KASO MAY HALONG PULITIKA

HABANG papalapit ang halalan, 90 porsyento ng mga kasong isinasampa sa kanyang tanggapan ay may halong pulitika, ayon kay Ombudsman Samuel Martires.

Tugon ito ni Martires sa mga kasong isinasampa sa kanyang tanggapan, kabilang ang reklamong graft laban kay Marikina Mayor Marcy Teodoro at kanyang asawang si 1st District Rep. Maan Teodoro.

Ayon sa Ombudsman, maingat nilang sinusuri ang mga kasong ito upang matiyak kung may sapat na batayan at agad na ibinabasura ang mga walang matibay na ebidensya.

“Subalit hinihimay namin ito kung may katotohanan ang kanilang mga kaso na isinasampa sa amin. Ang mga walang katotohanan ay agad naming dini-dismiss,” paliwanag ni Martires.

Samantala, tiniyak ni Mayor Teodoro ang kanyang buong kooperasyon sa imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng kasong isinampa ng isang Rico Mariano, sa oras na matanggap niya ang opisyal na kopya ng reklamo.

“Kapag natanggap na namin ang opisyal na kopya ng reklamo na isinampa sa Ombudsman, pormal kaming tutugon sa lahat ng akusasyon laban sa amin,” ani Teodoro.

“Kahit sino ay maaaring magsampa ng reklamo, ngunit tungkulin namin na harapin ito nang may transparency at alinsunod sa due process,” dagdag niya.

Ayon sa ulat ng media, isinampa ni Mariano ang reklamo noong Enero 23, ngunit isinapubliko lang ito noong Lunes (Marso 10). Nakasaad din sa reklamo ni Mariano na ang mga umano’y iregularidad ay nangyari sa pagitan ng 2020 at 2021, sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.

22

Related posts

Leave a Comment