EXEMPTED SI GOV’T OFFICIAL?

ROUND the clock ngayon ang pagdarasal ng mga local official sa isang bayan sa Mindanao na huwag dumami ang magpositibo sa COVID – 19 sa kanilang lugar dahil sa tila pangangampanya ng isang government official.

Sa report na nakarating sa inyong Deep Penetration Agent, as in DPA, sumakit ang ulo ng local officials dahil inatasan ang mga ito na magpatawag ng maraming tao dahil darating ang government official.

Ginawa ang nasabing event sa gitna ng pagbabawal ng Inter-Agency Task Force (IATF) against COVID – 19 ng ­maramihan pagtitipon para hindi dumami ang tatamaan ng nasabing virus.

Dahil ­makapangyarihan ang government ­official, walang nagawa ang mga local official, ­kundi sumunod sa direktiba sa kanila na magpatawag ng maraming tao, kaya mahigit 150 katao ang dumating sa nasabing event.

Hindi puwedeng kontrahin ang government ­official dahil masyado itong malakas sa taas at kaya niyang gawin ang lahat ng kanyang gusto sa mga taong kokontra sa kanya.

Pagbaba umano sa ­sinakyang helicopter ay agad na namigay ng livelihood, bikes, sapatos, relo, ipod at P3,000 ang government official sa mga naghihintay na tao.

Namigay din umano ng mga bitamina, face mask at face shield at iba pang bagay ang government ­official at nakipag-selfie pa ito sa mga tao, kaya ­kinakabahan ang mga local official na posibleng dumami ang COVID – 19 cases sa kanilang lugar.

“Sana huwag dumami positive sa amin,” ayon sa isang local official na kabadung-kabado, suba-lit wala silang magawa, kundi sumunod sa direktiba sa kanila na mag-ipon ng mga tao dahil may pa-event ang government official.

Lalong kinakabahan ang mga local official dahil mahigit 3,881 ang ­COVID – 19 active cases sa ­kanilang rehiyon at ­posibleng madagdagan pa ito dahil sa mga ganitong uri ng pagtitipon ng mga tao.

Ipinagtataka lang ng DPA kung bakit pinapayagan ng IATF ang ganitong mga pagtitipon ng mahigit isangdaang katao gayung hinihigpitan nila ang ­birthday celebration kahit isang dosena lang ang guest.

Dahil dito, mistulang exempted ang government official sa patakaran ng IATF dahil lagi niyang ginagawa ang ganitong pagtitipon na tila nagpapakilala nang husto sa mga tao habang papalapit ang eleksyon.

Wala pang desisyon kung tatakbo ito bilang pangulo, subalit kinikilig ito kapag isinasama ang kanyang pangalan sa posibleng maging presidential candidate, kaya panay ang ikot nito kahit sa panahon ng pandemya.

Tanging ang government official kasi ang ­gumagawa nito sa institusyong kinabibilangan niya at tila hindi nauubusan ng pondo na ipinamimigay sa mga tao.

Walang impormasyon kung saan galing ang perang ipinambibili nito ng kung anu-anong bagay na ibinibigay sa mga tao na tinatakan niya ng kanyang pangalan gayong isa siya sa pobre kuno sa miyembro ng institusyong kinabibilangan niya.

Clue: Tumaas ang ambisyon ng government official na ito nang ­makatikim ng kapangyarihan sa national level at gustong pamunuan ang bansa sa darating na panahon.

Mayroon itong inisyal na….kilala n’yo na ‘yan.

141

Related posts

Leave a Comment