HULIDAP NG PULIS – MEYCAUAYAN PINAIIMBESTIGAHAN NI ELEAZAR

ININDORSO ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar, ang mga biktima ng “hulidap” ng ilang tauhan ng Sto. Niño Meycauayan – Police Detachment sa Bulacan provincial director na si Colonel Lawrence Cajipe para imbestigahan ang nasabing hulidap.

Sa kanyang text message sa PUNA, inindorso ni General Eleazar kay Cajipe ang insidente para makunan ng mga salaysay ang limang biktima ng hulidap.

Noong nakaraang buwan naganap ang hulidap sa limang biktima, banggit ng isa sa kanila sa PUNA.

Ayon sa isa sa mga biktima, lumabag umano sila sa health protocol, dahilan upang hulihin sila ng ilang tauhan ng PNP – Meycauayan na pinangunahan ng nagpakilala lamang sa pangalang “Jo”.

Nitong nakalipas na buwan naganap ang krimen, ngunit nanahimik ang mga biktima dahil sa sobrang takot sa mga pulis – Meycauayan.

Dakong alas-4 ng hapon nang hulihin sila ng grupo ni alyas Jo at ikinulong sila hanggang alas-10 kinabukasan ng umaga.

Sa halip na sampahan sila ng kaukulang kaso ng mga pulis ay ikinulong sila sa selda ng istasyon ng pulisya, sumbong sa PUNA ng isa sa mga biktima.

Sa loob ng mga oras na ‘yun ay tinakot sila ng grupo ni alyas Jo na kung hindi nila ibibigay ang kanilang mga dalang pera ay kakargahan sila ng ilegal na droga para bumigat ang krimeng nagawa nila.

Sa takot ng limang biktima na makulong sila, napilitang ibigay ang kanilang mga pera sa grupo ni alyas Jo.

Sinabi pa ng isa sa mga biktima, may nagbigay ng P75K, P30K, P3K at P2K sa grupo ni alyas Jo.

Ang nakuhang pera ng grupo ni alyas Jo sa mga biktima ay P150K lahat.

Ilan sa hinulidap ng mga pulis ay pinuntahan ng mga pulis sa kanilang mga bahay para matakot ang mga ito para hindi magsumbong sa kanilang hepe.

Sa kabila ng paglulunsad ng pamunuan ng PNP ng E-Sumbong kamakailan sa pamumuno ni General Eleazar ay binabalewala pa rin ito ng ilang tiwaling pulis.

Kahit tinaasan na ang suwedo ng mga pulis ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy pa rin silang nasasangkot sa iba’t bang katiwalian tulad ng mga illegal drugs, pango-ngotong at iba pang kalokohan.

Maraming beses na ring nagbitiw ng babala si General Eleazar na hindi siya manghihinayang na magsibak ng pulis na may kalokohan.

Sinabi pa ng opisyal na maraming aplikante para sa pagpupulis, kaya hindi siya manghihinayang na magsibak ng mga pulis na mapatutunayang may pagkakasala.

Panahon na talaga na maihiwalay ang mga bulok na kamatis sa walang bahid.

Kung hindi ito gagawin ni General Eleazar ay mahahawaan ng mga tiwali ang matitino.

Kaugnay nito, may natanggap pang reklamo ang PUNA laban sa Meycauayan – PNP na ilan sa kasapi nito ay pera-pera ang lakad na sa halip na kasuhan ang kanilang mga nahuhuli ay pinagkakaperahan nila ito.

Hindi na kayo nakuntento sa pagtaas ng inyong suweldo, sa-sideline pa kayo sa panghuhulidap.

Ang kakapal ng mga mukha ninyo!

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o kaya mag text sa cel# 0919-259-59-07.

199

Related posts

Leave a Comment