FAKE COVID TEST RESULTS DUMAMI SA MAYNILA

NAGBABALA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa sinumang sangkot sa pamemeke ng COVID-19 results na titiyakin niyang makukulong ito.

“Kayong mga me ari ng negosyong ‘yan, humanda kayo…this warning is applicable to everybody… walang amba-ambassador, walang superpower-superpower sa ‘kin. Pasensiyahan tayo pagdating sa buhay ng taga-Maynila. We will follow the law and throw the books at you,” ayon sa alkalde.

Nabatid na inatasan nito si P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-Special Mayor Reaction’s Team (MPD- SMaRT), na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nangyayaring bentahan ng mga pekeng COVID-19 results.

Napag alaman, nakatanggap umano ng impormasyon ang alkalde na ginagamit ang address ng ilang barangay sa Maynila sa mga pekeng COVID-19 results.

Nabatid na nag-isyu si Moreno ng executive order para bigyan ng kapangyarihan ang mga barangay chairman para istriktong i-monitor ang mga estranghero na sangkot sa iregular na aktibidad at kaagad na aksiyunan o ilagay sa lockdown ang lugar.

“Ginagamit ang inyong barangay address… may mga nagpapa-test tapos barangay n’yo ang gamit, ‘di pala nakatira doon. Itong talipandas na tester, walang due diligence basta importante kumita sila so barangay mo ngayon, me 20 or 30 cases pero ‘di nakatira doon. ‘Di ba kalokohan yun?” pahayag pa ng alkalde.

“Bantayan n’yo ito… dudang-duda ako… ang daming infection sa Ermita eh wala namang nakatira dun pogo-pogo lang. Buti na magkalinawan tayo, bantayan n’yo ang Malate.”

Sinabi pa nito, ang pinakamalungkot ay mga Filipino pa ang tumutulong sa dayuhan sa kanilang iregular na aktibidad.

“Ang masakit, kasapakat kapwa Filipino. Kayo naman, sa dalawang bulig (2,000 pesos) na lagay eh nilalagay ninyo sa alanganin ang pamilya n’yo. Biro niyo, positive tapos pipirma kayo negative. Kahit makalusot kayo nang makalusot, darating ang oras makakalawit din kayo,” dagdag pa ni Moreno.

Bukod sa kasong falsification of documents ay inilalantad nila ang publiko sa panganib ng COVID-19, dagdag pa ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)

267

Related posts

Leave a Comment