ITO ang nabulgar na modus operandi ng mga fixer na hinihinalang nagmamanman sa COVID-19 vaccination sites na dinadagsa ng mga nais na magpabakuna.
Bunsod nito, inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na silipin ang ilegal na operasyon ng mga “fixer” na naniningil para sa mas maagang iskedyul ng mga taong gusto nang magpabakuna.
Napag-alam, nagbaba ng direktiba si P/Gen. Eleazar kasunod ng ginawang pagbubunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na may dalawang fixer ang nahuling naniningil kapalit ng mas maagang iskedyul ng bakuna kontra COVID 19 sa kanilang lungsod.
Ayon kay P/Gen. Eleazar, “I am directing the CIDG to investigate this scheme of vaccination schedule fixers in the different local government units. Maaaring hindi lang sa Pasig nangyayari ang ganitong modus at dapat ay matuldukan agad ito. We will closely coordinate with our LGUs to prevent the proliferation of this modus.”
Sinabi pa ng PNP chief, “Sa kabila ng pandemya, talagang hindi mawawala ang mga taong mapagsamantala at pagkakakitaan ang kagustuhan ng mga tao na agad na mabakunahan. Mga walang kaluluwa ang mga taong gumagawa ng ganito na alam namang libre at talagang kailangang-kailangan ng ating mga kababayan ang bakuna kontra COVID-19 ay nagagawa pa pagkaperahan.”
Dagdag pa niya, “Tubuan naman sana ng konsensya ang mga fixer na ito at maawa sa ating mga kababayan. Marami ang nagnanais magpabakuna pero nararapat pa ring sundin natin ang priority list sa pagpapabakuna. May dahilan po kung bakit sila priority sa listahan.”
“Huwag po tayong kumagat at magpaloko sa ganitong modus. Uulitin ko na libre ang buong proseso ng pagpapabakuna, kailangan lang po natin hintayin ang ating schedule o ‘di kaya ay pumila sa mga vaccination center ng mga LGU na bukas sa mga walk-in. Tandaan natin na walang manloloko kung walang magpapaloko,” ayon sa PNP chief.
Hinikayat din ng PNP chief ang publiko na agad idulog sa mga awtoridad o sa iba’t ibang E-Sumbong platforms ang anumang impormasyon ukol sa ilegal na pagsasaayos ng iskedyul sa bakunahan. (JESSE KABEL)
