FL LIZA, MARTIN ARANETA DAWIT SA BOC ANOMALY – CO

MATAPOS isiwalat ang umano’y katiwalian sa mga flood control project na kinasasangkutan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., idinawit na rin ni dating Congressman Zaldy Co si First Lady Liza Araneta Marcos at kapatid nito na si Martin Araneta.

Sa ikaanim na video message kahapon, sinabi ni Co na sangkot ang Unang Ginang sa katiwalian sa Bureau of Customs (BOC) at sa mga operasyon sa importasyon ng sibuyas, asukal at bigas, na aniya’y dahilan kaya hindi bumababa ang presyo ng mga ito sa lokal na pamilihan.

Ayon kay Co, kinausap umano ng Pangulo si dating House Speaker Martin Romualdez upang humingi ng tulong sa gastusin para sa mga kandidato sa national at local elections noong 2025.

“Ang sagot ni Speaker, naibigay na niya ang SOP collection sa Bureau of Customs na umabot sa P11 bilyon. Dagdag pa diyan, may P9 bilyon mula sa sugar na ayon mismo sa kanya ay pinaghahatian ng limang kumpanya para makontrol nila ang presyo ng asukal sa merkado,” pahayag ni Co.

Idinagdag pa niya na may kita rin mula sa importasyon ng sibuyas na hawak umano ni Martin Araneta, kapatid ng First Lady.

Sinabi pa ng dating mambabatas na noong 2022 ay nagsagawa ng imbestigasyon sa Kamara hinggil sa mataas na presyo ng sibuyas na umabot umano sa P600 kada kilo kung saan lumitaw ang pangalan ni Martin Araneta bilang isa sa mga nasa likod ng umano’y pagkontrol sa presyo. Gayunman, ipinatigil umano ang imbestigasyon matapos sabihin ni Romualdez na tinawagan siya ni First Lady Liza Marcos dahil kontrolado umano ng kapatid nito ang importasyon ng sibuyas.

Tinalakay rin ni Co ang usapin sa bigas. Ayon sa kanya, iminungkahi niya kay Romualdez noong 2023 na mag-angkat ng 20 milyong metric tons ng bigas para sa buong taon upang maibaba ang presyo nito sa P22 kada kilo. Subalit hindi umano ito inaprubahan ng Pangulo, dahilan kaya sumirit ang presyo ng bigas sa P55 kada kilo.

Noong 2024, sinabi ni Co na muling kinausap niya si Romualdez upang ihirit kay Agricultural Secretary Francisco Tiu-Laurel at Finance Secretary Ralph Recto ang pagbaba ng taripa sa imported rice mula 35% tungong 15%. Giit niya, kung aabot pa sa P60 kada kilo ang presyo ng bigas, posibleng magdulot ito ng malawakang pag-aaklas.

Kalaunan, inaprubahan umano ng Malacañang ang pagbaba ng taripa, ngunit matapos ang anim na buwan ay hindi pa rin bumaba ang presyo ng bigas. Dahil dito, iminungkahi ni Co kay Romualdez na magpatawag ng imbestigasyon.

Habang iniimbestigahan ito ng Quinta Committee na pinamumunuan ni Congressman Joey Salceda, sinabi ni Co na bigla itong ipinatigil ni Secretary Tiu-Laurel matapos umano nitong ipakita ang isang confidential report na nagsasaad na si First Lady Liza Marcos ang may hawak sa mga rice importer.

Ayon pa kay Co, sa parehong araw ay tumawag si Congressman Sandro Marcos kay Romualdez upang ipatigil ang House investigation tungkol sa bigas, umano’y alinsunod sa atas ng Pangulo.

“Magkasama kami ni Speaker Martin Romualdez nang tumawag si Congressman Sandro Marcos,” aniya.

(BERNARD TAGUINOD)

30

Related posts

Leave a Comment