GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
SA tuwing nagtse-check ako ng pamasahe papuntang abroad, parang gusto ko na lang umiwas ng tingin. Hindi dahil wala akong balak mag-travel kundi dahil nakaaasar makita na mas mura pa ang lumipad papuntang Hong Kong o Vietnam kaysa bumiyahe sa mga lugar dito sa atin. Hindi ito exaggeration. Totoo ito at malinaw sa presyo.
Isipin mo. May mga flight mula Maynila papuntang Hong Kong na nasa tatlong libong piso mahigit lang ang one way. Ang round trip, mahigit na anim na libong piso lang. Isang buong biyahe na iyon sa ibang bansa. Pero kapag tumingin ka ng Maynila papuntang Legazpi lalo na kapag peak season, umaabot ng walong libong piso hanggang labindalawang libong piso ang isang lipad pa lang. Minsan mas mataas pa kapag holiday. Kaya kung titingnan mo, parang mas may sense pa ang lumipad papunta sa ibang bansa kaysa paikot-ikot dito.
At heto pa. Papuntang Hong Kong, dalawang oras at kalahati lang. Lipad ka sa umaga, kain ka ng dimsum, maglibot ka nang konti, tapos puwede ka na umuwi sa gabi. Pero ang biyahe papuntang Mindoro, ubos ang kalahating araw. May pila sa pantalan, hintay sa bangka, sakay ng van, tapos dasal na sana walang aberya. Nakatatawa pero totoo. Mas mabilis pa minsan ang round trip abroad kaysa isang normal na local trip.
Pagdating sa hotel, halata rin ang diperensya. Sa Vietnam, madali ka makahanap ng kuwartong malinis at maayos sa presyong isang libong piso hanggang tatlong libong piso. Minsan mas mababa pa. Maganda ang service, masarap ang pagkain, at hindi ka masyadong mapagagastos. Pero pagpunta mo sa Boracay, ang average na kuwarto ay nasa mahigit na apat na libong piso bawat gabi. May apat na libong piso, may limang libong piso, may pitong libong piso. Ang mga resort, umaabot ng sampung libong piso pataas. Kung peak season, minsan ay mas mataas pa.
Hindi pa kasama riyan ang fees. Sa Boracay, may environmental fee na isandaan at limampung piso para sa mga Pinoy, at tatlong daang piso para sa dayuhan. May terminal fee pang isandaan at limampung piso. Hindi ka pa nga nakalalakad sa buhangin pero bawas na agad ang tatlo hanggang apat na raang piso sa budget mo. At habang nagbabayad ka, iisipin mo rin ang makitid na daan, siksikang port, at minsan hindi ganoon kagandang serbisyo.
Ang mas nakaiinis, parang tahimik lang ang LGUs at ang tourism department habang tumataas ang presyo. Walang malinaw na hakbang para ayusin ang sistema ng transportasyon, ang pasilidad, o kahit ang basic na service quality. Para bang ang mindset ay ganito: Magbabayad naman ang turista basta maganda ang view.
Gusto ko talagang suportahan ang local travel. Sino ba ang ayaw. Pero kung sobra ang taas ng presyo at hindi tugma ang service sa binabayaran mo, mahirap talagang i-justify. Ang ganda ng #SupportLocal, pero kung parang pang dayuhan ang presyo at hindi pang Pinoy ang experience, pipiliin talaga ng tao ang mas sulit na biyahe.
Hindi naman sobrang komplikado ang pagdedesisyon. Pupunta ang tao kung saan sulit ang pera. At ngayon, mas ramdam ang sulit sa labas ng bansa at hindi sa atin.
30
