FPJ PANDAY BAYANIHAN KAKAMPI NG MGA MANGGAGAWA

Sa isang roundtable discussion noong Araw ng Paggawa, lumagda sina Brian Poe, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Party-list, at Gabriel Aranzamendez, pangulo ng Confederation of Filipino Workers, sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalaman ng mahahalagang polisiya na nais bigyang-prayoridad ng dalawang grupo.

LUMAGDA kamakalawa ang FPJ Panday Bayanihan Party-list, sa pangunguna ng kanilang unang nominado na si Brian Poe, ng isang kasunduan kasama ang Confederation of Filipino Workers (CFW) upang isulong ang mga adbokasiya para palakasin ang sektor ng paggawa at itaguyod ang kanilang mga karapatan at kapakanan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na kabilang sa mga pangunahing lider-manggagawa na lumagda ng kasunduan ng suporta sina Gabriel Aranzamendez, Pangulo ng CFW; Angelina de Ocampo, Pangalawang Pangulo ng CFW; Anton Palmiano mula sa San Jose Workers Union; Engelbert Lasang mula sa Monde Nissin; Robert Garcia ng CFW Influencers Association; at Julius Dalumpines mula sa CFW para sa Transportasyon.

Ang Memorandum of Agreement ay naglalaman ng mga pangunahing adbokasiya na nais bigyang-pansin ng grupo sa tulong at pagtutulak ng party-list. Kabilang dito ang Magna Carta para sa mga Manggagawa sa Pribadong Sektor, ang National Workplace Health and Safety Act, ang National Unemployment Insurance Program (NUIP), ang OFW Protection and Reintegration Act, ang Labor Rights Education Act, at ang Freelancers’ Rights and Protection Act, pati na rin ang pagpapalakas sa Tripartite Industrial Peace Council (TIPC).

Layunin ng sama-samang pananaw na ito na itaguyod ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.

“Ako, ang mahalaga sa partnership na ito ay ang mga adbokasiyang payo na ibibigay ninyo sa akin. Tatlo ang haligi ng FPJ: Pagkain, Pag-unlad, at Katarungan. Yung pag-unlad, kasama diyan ang ekonomiya—kaya trabaho natin ‘yan. At ang katarungan, itong dalawang ito ay napakahalaga para sa ating sektor ng paggawa,” ani Poe.

Ang Confederation of Filipino Workers (CFW) – “Ang Manggagawang Pinoy” ay isang pambansang organisasyon na itinatag noong 1987 at sinasabing may higit 50,000 miyembro mula sa iba’t ibang sektor.

61

Related posts

Leave a Comment