“MAGTAGO na kayo, babalik na ako”.
Ito ang babala ni dating Manila mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga ‘tolongges’ sa lungsod ng Maynila.
Kasabay nito ang pagkabahala ng dating alkalde sa sunod-sunod na krimen sa lungsod na walang pinipiling oras at panahon.
Isa sa insidente ng pamamaril na nangyari nang muntik nang tamaan ang isang babae na pamangkin ng isang radio reporter sa R. Papa.
Sa kahabaan naman ng Road 10 ay nagbalik ang mga tolongges na bigla na lamang hinahablot ang gamit o cellphone sa loob ng sasakyan gayundin ang madalas na panghoholdap at pagsampa sa mga cargo truck para nakawan.
Pangako ni Domagoso sa Manileno, ibabalik niya ang gobyerno sa Maynila at hindi maaaring maghari-harian ang mga tolongges.
Hindi rin palalagpasin ni Domagoso ang mga nagbalikang adik sa Maynila na nagdudulot ng napakalaking perwisyo sa komunidad.
Si Domagoso ay nangunguna pa rin sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Ayon sa OCTA, dahil malapit na ang May 12 at hindi na sapat ang panahon para makahabol ang mga katunggali sa mayoralty race ay imposible nang maungusan pa si Domagoso kahit pa gumamit ang mga kalaban ng “Black Propaganda”.
“Cleanliness, orderliness, peace and order. Overall ito ang rason bakit preferred si Mayor Isko,” sabi ni Prof. Ranjit Rye, founder at President ng OCTA Research.
Idinagdag pa, “Hindi naman dahil lang guwapo siya. Nakikita ng mga kababayan natin na baka siya ang magandang alternatibo”.
(JOCELYN DOMENDEN)
