FREEZE ORDER SA ARI-ARIAN NI SUSPENDED MAYOR GUO INIUTOS NG CA

SA layuning maharang ang pagwawaldas sa mga ari-arian habang nagpapatuloy ang legal na paglilitis sa mga kasong kriminal, ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang lahat ng ari-arian ng nasuspindeng si Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.

Nauna rito, naghain ng petisyon para sa freeze order noong July 8, 2024 ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), kinumpirma mismo ito ni Senator Sherwin Gatchalian.

Bukod kay Guo, kasama rin sa petisyon ng AMLC ang mga ari-arian nina Zhiyang Huang, at Baoying Lin, na pinaghihinalaang sangkot sa human trafficking at mga mapanlinlang na aktibidad sa pamamagitan ng mga entity gaya ng Zun Yuan Technology Inc., Baofu Land Development Inc., at Hongsheng Gaming Technology Inc.

Ang Baofu Land, na bahagyang pag-aari ng alkalde ng Bamban, ay ang lugar ng operasyon ng Zun Yuan POGO na ni-raid noong Marso, 2024 ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa hinihinalang human trafficking, bukod sa iba pang mga aktibidad na kriminal.

Ang freeze order aniya ay sumasaklaw sa malawak na hanay ng mga asset kabilang ang 90 bank accounts sa 14 financial institutions. Ilang mga real property, mataas na halaga ng mga personal na ari-arian tulad ng mga mamahaling sasakyan at helicopter.

Inaprubahan ng CA ang ex-parte petition ng AMLC para sa pagpapalabas ng freeze order na epektibong maiipit ang mga ari-arian ng mga indibidwal at entity na sinasabing sangkot sa mga ilegal na aktibidad. (JULIET PACOT)

193

Related posts

Leave a Comment